Alfie Lorenzo

Billy Balbastro

Allan Diones

Abu Tilamzik

Jun Lalin  

Joe Barrameda


Showbiz Gallery


 

ENTERTAINMENT

Robin, gigil na gigil kay Angel


Aminado si Robin Padilla na siya mismo ang nag-request sa GMA na si Angel Locsin ang maging kapareha niya sa primetime series na nakatakda niyang gawin sa Kapuso Network na may tentative title na Asian Treasures.

Sinubaybayan niya raw noon ang telefantasyang Darna dahil sa ganda at kaseksihan ng bidang si Angel.

"Wala namang lalakeng hindi nanood ng Darna dahil sa kaseksihan ni Angel, eh! Gago ‘yung lalakeng hindi nanood no’n dahil si Angel ay talaga namannn!!!" nakangiting bulalas ni Robin na para bang nanggigigil sa alindog ni Angel.

"Isang karangalan na makatrabaho ko si Angel Locsin. Kasi, panahon nila ngayon, eh! Sila ang mga hari at reyna ngayon. Siyempre, isang karangalan na kilala pa pala ako ng mga bata na ‘yan! Ha! Ha! Ha!" tawa ni Binoe.

Aniya, ang Asian Treasures ay parang National Treasure (ni Nicolas Cage) na mala-Indiana Jones (ni Harrison Ford). Ayaw raw niya ng show na may superpower siya o may mga magic-magic.

"‘Yun ang aking ipinaglalaban, na maipakita naman namin ‘yung galing sa martial arts at sa baril. Hindi ‘yung tuturo ka lang, may mangyayari na! Naku, ayoko ng ganu’n!

"Hindi pa kami nagkakasundo ng GMA, mga 80% pa lang na sure. Kasi, gusto nila may magic-magic, eh! Pero ayoko talagang pumayag na may kapangyarihan ako. Malabo ‘yon! ‘Yung kalaban ko, kung gusto niya may kapangyarihan siya, okey lang. Pero ako, ayoko!" mariing sambit niya.

Nabanggit din ni Robin na naikuwento raw sa kanya noon ng manager niyang si Betchay Vidanes na nu’ng minsang mag-stunt si Angel sa Darna na may blasting, nakunan daw ng kamera ‘yung dayalog nito habang pa-exit na, "Anong sinabi ni Robin Padilla?!"

Kaya nang makarating ‘yon kay Binoe, ang reaksyon niya ay, "Aba, hinahamon ako nito, ah?"

Magkakaalaman daw sila pag nagkasama na sila sa seryeng pagtatambalan nila.

"Kaya nga ang gusto ko, hindi fantasy! Pag fantasy kasi, walang stunt ‘yon, pare! Puro peke ‘yon! Gusto ko totohanan!"

Eh, kung si Angel lang ang may magic, okey ba sa kanya ‘yon?

"Eh di, dinadaya niya ako no’n? Ang gusto ko, sabay kaming nakikipaglaban! Hindi puwede ‘yung ganu’n kapatid!" hirit pa niya.

Liligawan din ba niya si Angel tulad ng ginawa niya sa leading lady niya sa Till I Met You na si Regine Velasquez?

"Naku, kapatid, masyado namang bata! Maganda pa ang kinabukasan no’n! Sa katayuan niya ngayon at sa tagumpay na dinaranas niya, hindi pa siya dapat mag-asawa! ‘Yung boypren nga, dapat hindi muna niya iniisip ‘yun, eh!

"Kanya munang samantalahin ang biyayang binibigay ng Panginoon. Dahil alam mo naman sa pelikula, pag dumating ang suwerte eh, hindi na muling dumarating. Mas mainam sa kanya kung wala siyang boypren. Pero may boypren na, eh! Wala na tayong magagawa du’n!" natatawang pakli ni Binoe.

Bukod kay Angel, ang iba pa raw kabataang aktres na crush ni Robin sa showbiz ay sina Anne Curtis, Kristine Hermosa (kaya lang daw ay nag-asawa na ito) at si Iza Calzado na nakasama niya sa digital film na Blackout (pero isang araw lang daw silang nagkaeksena).

Happy ba siya sa pagiging Kapuso?

"Oo naman! Wala pa naman silang hindi ibinigay sa mga hiningi ko, eh! Lalo na sa pelikula namin ni Regine, lahat ng sinabi ko sa istorya, ibinigay nila. Gaya nu’ng kabayo, pinilit ko talaga ‘yon! At saka marami pa!"

Ngayong gabi ang invitational screening ng Till I Met You sa Podium Cinema. Malalaman na namin kung totoo ang ibinulong sa amin na ‘kakaiba’ raw ang ending ng pelikulang ito ni Direk Mark Reyes. Hindi umano ito ‘yung tipikal na ending ng mga romantic movies at sana raw ay magustuhan ng audience ang nasabing ‘surprise’ ending!

***

Kung hindi pa kinantiyawan nina Tito Mario Bautista, Ate Ian Fariñas at iba pang kaibigan sa press ang third expelled scholar ng Pinoy Dream Academy na si Geoff Taylor na kantahan kami dahil birthday namin (sa Linggo pa actually, pero bukas ang selebrasyon namin) ay hindi namin matutuklasan na may potential Sam Milby pala sa PDA.

Aminado kaming hindi namin napapanood ang PDA pero in all fairness ay na-impress kami sa singing talent ng ‘promdi heartthrob’ na si Geoff na kahapon nang tanghali lang namin na-meet in person sa mini-presscon niya sa 9501 resto sa ELJ Bldg. ng ABS-CBN.

Tatlo ang inawit niya nang umupo siya sa tabi namin para ‘haranahin’ kami -- ang sarili niyang version ng If (na pinasikat ng Bread), ang original song na The Future is Bright After All This (na kinompows ng publicist niya at siya ang nag-areglo) at Ako’y Sa ‘Yo, Ika’y Akin (ng I-Axe band).

Gandang-ganda kami sa second song niya na mala-John Mayer ang dating. Akala namin ay idol niya si John Mayer pero hindi pala, sariling musical style niya raw ‘yon. Bukod sa ang ganda ng quality ng boses niya ay ang galing maggitara ni Geoff.

Puwede siyang makipagsabayan ng pagkanta at paggitara kay Sam Milby na Fil-Am din na katulad niya, pero sabi sa amin ni Geoff ay mas gusto niyang magkaroon ng sarili niyang identity.

Sa Olongapo ipinanganak ang 20 y/o ex-PDA scholar pero sa Tuguegarao, Cagayan Valley siya lumaki at nag-aral kaya meron siyang puntong Ilokano.

Nagpunta siya ng Maynila nu’ng 2005 para maging modelo (5’11" ang height niya). Nahirapan daw siya nu’ng una dahil bukod sa mataba siya at walang abs ay ignorante siya sa modeling dahil nga probinsiyano siya.

Mabilis niyang na-develop ang katawan niya at nitong Marso lang ay naging finalist si Geoff sa 2006 Mossimo Bikini Grand Prix.

Grade II pa lang ay mahilig na raw siyang kumanta-kanta at 2nd year high school siya natutong maggitara pero isang beses lang siyang nakasali sa isang singing competition sa Cagayan at sa PDA na raw siya nahasa nang husto.

Natatawa si Geoff dahil ang dami raw sinasabing kamukha niya. Napansin namin na may anggulo siyang Rafael Rosell. Sey naman ng friends niya, nu’ng bata pa siya na kulot ang buhok ay look-alike niya si Michael Jackson.

Nu’ng high school na payat siya ay kamukha niya si Cogie Domingo; nu’ng magpakalbo siya na may goatee ay Justin Timberlake ang dating niya; pag wavy ang buhok niya ay Jestoni Alarcon; at ngayon daw pag naka-smile siya at naka-side view ay para siyang John Lloyd Cruz o Sam Milby.

May kontrata si Geoff sa ABS pero hindi pa raw niya sure kung anong balak sa kanya ng Dos. Dream niya na maging kilalang singer at artista para matulungan niya ang kanyang ina.

Siyanga pala, salamat sa Kapamilya Network sa ibinigay nilang birthday gift sa amin kahapon. Touched kami dahil hindi namin ‘yon ine-expect! Tenkyu po!!

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top