LOS ANGELES --- Kung sa Pilipinas ay dinudumog si Manny Pacquiao saan man siya mapunta, ganoon rin dito.
Tila hindi nagsasawa ang mga kababayang Pinoy, na dito na naninirahan, pati na ang mga fans na ibang lahi na magtungo sa Wild Card Gym at maghintay sa labas hanggang matapos ang ensayo ni Manny.
Matapos ang ilang sesyon ng picture-taking at autograph signing, kung saan ang mga fans ay may dalang pares ng gloves, caps, t-shirt, magazine, posters at picture ni Manny para pirmahan, may pulutong pa ring nag-aabang sa kanyang paglabas sa kinakainang paboritong Thai restaurant na nasa bisinidad lamang ng Wild Card.
Kahit ‘nung hindi pa tayo dumarating dito, ay ganito araw-araw ang senaryong makikita.
Ganyan katindi ang admirasyong ibinibigay ng mga fans sa ating Pambansang Kamao.
Maging ang may-ari ng Thai restaurant ay magsasara sa Disyembre 6 at 7 upang tumungo sa Las Vegas at panoorin ang ‘Dream Match’ ni Manny laban kay Oscar De La Hoya.
Kahapon, when finally Manny were able to finished his autograph signing and picture-taking at the Wild Card, diretso uwi na siya sa kanyang apartment bandang alas-siyete ng gabi.
Kahit halos dalawang oras pa lamang nang kumain sa Thai restaurant, nagpahinga lamang si Manny at nang lumabas ng kuwarto ay nagpahain na ng hapunan ng alas-9:00.
Dahil nga hindi kailangang mag-reduce, nakita natin kung gaano kagana ang ginawang kain ni Manny ng inihaing tinolang manok, pakbet na gulay at inihaw na manok at baka.
Bago tuluyang matulog, nagpalipas ng oras ang WBC lightweight champion sa pamamagitan ng pagka-karaoke.
Unang inawit ni Manny ang ‘Natutulog ba ang Diyos,’ isinunod ang ‘Wonderful Sound’ at ang ‘paboritong ‘Maghintay ka Lamang.’ At pagkatapos ay umakyat na para matulog. |