November 28, 2008 Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
PUBLIC SERVICE
 

Pag-alabin ang romansa

Kuya Rom
 

Dear Kuya Rom,
May 15 taon na kaming nagsasama ng misis ko. Siya ay isang ahente at ako naman ay dating OFW na nakapundar ng isang maliit ng bahay at isang sasakyang pampasada. Sabi ng doktor, mag-ingat ako pagkat madaling tumaas ang aking dugo lalo na kapag mainit ang panahon Dahil dito, minabuti kong mamasada na lang sa gabi.
Dito ko nakilala ang isang dalagang may edad, walang asawa at mas maganda sa misis ko. Naging malapit kami, at ngayon ay natutukso akong iwanan ang aking asawa para sa kanya. Sa aking pag-iisip kung bakit ko gagawin ito, nakita kong mahal ko pa rin ang asawa ko, ngunit hindi kasi siya palaayos at hindi siya magaling na makipag-usap. Madalas ay nakakainis siyang kausap.
Ngayon ay iniiwasan ko na ang nakilala kong babae. Ayaw ko ring masira ang pagsasama namin ng aking asawa. Kuya Rom, paano ko mapapanatili ang aking pagmamahal sa kanya, at hindi mawasak ang aming pamilya? -- Exsaudi

Dear Exsaudi,
Pagkatapos ng maraming taong pagsasama, ang romansa sa pagitan ng mag-asawa ay nawawala. Hindi sa dahil nawala na ang pag-ibig nila sa isa’t isa kundi dahil sa sila’y nahihirapang harapin ang mga pagsubok sa buhay na naghahanap ng katugunan.
Ang nais ng mag-asawa ay walang hanggang pagmamahalan na puno ng romansa, ngunit ang mga gawain sa buhay sa araw-araw ay nagiging balakid dito. Marami sa mag-asawa na nasa ganitong yugto ng buhay ay nag-aakalang patay na ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa.
Ang epekto nito sa mag-asawa ay pananahimik. Hindi sila nag-uusap, tahimik na itinatago sa dibdib ang pagnanasang hindi natutugunan. Ayaw buksan ang isang paksang dapat pag-usapan pagkat umiiwas na makasakit ng damdamin sa isa’t isa.
Ngunit kailangang pag-usapan ang isang mahalagang bagay na makatutulong sa katatagan ng pagmamahalan at pagsasama ng mag-asawa. Ang kailangan lamang ay matutunan nila ang tama, matuwid at mapagmahal na komunikasyon na walang halong panunumbat.
Unawain na may dalawang uri ng usapan ng mag-asawa: Mababaw na usapan at malalim na usapan. Ang mababaw na usapan ay patungkol sa mga pagkain, bayarin, mga anak, bakasyon at iba pa -- mga bagay na puwedeng pag-usapan habang kumakain ng hapunan. Ang malalim na usapan ay nangyayari kapag nasasabi ang nararamdaman, kinakatakutan, inaasahan, pinapangarap -- mga bagay na mapag-uusapan lamang ng mag-asawa sa kanilang silid.
May halaga ang mababaw na usapan, ngunit mas mahalaga ang malalim na usapan. Ang malalim na pag-uusap ay nangyayari kapag ang mag-asawa ay may layang sabihin ang kanilang naiisip at naramdaman, layang buksan ang kanilang buong pagkatao, nagtitiwalang may makikinig at uunawa. Ito ang pag-uusap na magpapaalab sa romansa at magpapalago sa pag-ibig ng mag-asawa.
Isang mahagang bahagi ng malalim na usapan ng mag-asawa ay ang buong puso, buong pagmamahal at buong pang-unawa na pagtatanungan kung ano ang kanilang inaasahan sa isa’t isa. Halimbawa, ano ang gusto ng lalaki na gawin ng babae sa kanya at ano naman ang gusto ng babae na gawin ng lalaki sa kanya. Pag-usapan ang mga kaparaanan, magpalitan ng ideya at kuru-kuro para matupad ang mga bagay na inaasahan at pinapangarap.
Ang susi sa ganitong usapan ay pagpapasensiya sa isa’t isa. Maging mapagpasensya kayo sa isa’t isa sa pag-uusap at pagdidiskubre ng mga bagong bagay na magdudulot ng walang kapantay na ligaya sa inyong dalawa. God bless you.
Payong kapatid,
Kuya Rom

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES