Hangga’t hindi nagbabago ang uri ng pulitika at ng mga pulitiko sa ating bansa, dapat na nga sigurong punitin ang pahina ng Konstitusyon tungkol sa impeachment.
Tutal naman, ang prosesong ito na itinitik sa ating Saligang Batas para mapanagot ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno kasama na ang pangulo, ay walang silbi, inutil, basura, walang kuwenta dahil dinadapurak lang naman ng mga kinatawan natin sa Kongreso.
Sabi nga ng nanay ko...pinakamahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan...mahirap makakita ang nagbubulag-bulagan... mahirap makarinig ang nagbibingi-bingihan at mahirap magsalita ang nagpipipi-pipihan.
At ang mas nakakagulantang ditto...inihalintulad pa sa Panginoong Hesukristo ang Pangulong Arroyo!
Anak ng bakang dalaga! Sus Mariano Ka Indo!
Sa dami ba naman ng ipinaradang kaso at pruweba ng katiwalian laban sa Pangulong Arroyo...ano pa bang sustansya ang hinahanap ng mga magagaling na deputado?
Where’s the beef? Tanong ng isang kongresista. Ano kaya ang susunod nilang hahanapin...pork? Pork barrel?
Sayang...pagkakataon na sana ng Pangulong Arroyo na sagutin punto por punto ang lahat ng isyu na sa kanya’y ibinabato.
Sayang pinalampas ng mga kongresista ang pagkakataon para patunayang hindi for sale ang prinsipyo nila...at ang pagkakataong kumunihin ang wasak na imahe nila...sayang!
***
Kung may paligsahan sa investigation festival, malamang ay gintong medalya na ang maisasabit sa ating mga mambabatas.
Sa nakaraang ilang linggo, tinaranta ng kaliwa’t kanang imbestigasyon sa Senado at Kongreso ang taumbayan.
Mula sa maeskandalong euro generals, fertilizer scam na kinasasangkutan ni Jocjoc Bolante hanggang sa pagbabalitaktakan sa panukalang charter change na sinabayan pa ng tagisan sa impeachment laban sa Pangulong Arroyo.
Totoong nakakapagod na ang mga anomalyang nangyayari sa ating bayan. Kung nakapagsasalita lamang ang lupa, tubig at hangin sa loob ng ating bansa, marahil ay pinaghahataw na tayo ng mga masasamang salita dahil sa pinaggagawang kalokohan ng ating mga lider.
Habang ang maraming bansa ay naghahanda sa pagharap sa mas matinding krisis sa susunod na dalawang taon, abala ang ating mga mambabatas kung paano nila paliligayahin ang kanilang mga patron.
Ang totoo, hindi sana tayo aabot sa ganitong punto na ngumingising parang aso ang mga sangkot sa eskandalo kung ang mga ahensyang tulad ng Office of the Ombudsman, Sandiganbayan at Department of Justice ay agresibong kumikilos para panagutin ang mga nasa gobyernong nagpapakabusog mula sa kabang-yaman ng bayan.
Kung mayroon mang mina dito sa ating bansa na hindi maubus-ubos, ‘yan ay mina ng mga tiwaling pulitiko na sumumpang maglilingkod nang tapat at hindi mangungulimbat!
Hoy, mapagod naman kayo!!
(tunying016@yahoo.com)
|