Muling pinatunayan ng mga mambabatas na kaalyado ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mas matimbang sa kanila ang personal nilang interes kesa kapakanan ng sambayanang Filipino.
Kung hindi ba naman, bakit gigil silang ibasura ng napakaaga ang isinampang impeachment case laban sa Pangulong Arroyo?
Bakit hindi nila hinayaang maisalang ang Pangulo sa imbestigasyon upang sa gayun ay mabigyang-linaw ang lahat ng ibinabatong alegasyon sa kanyang liderato?
Hindi iyong nasa umpisa pa lamang ay aligaga na ang mga alipores ng Palasyo na ibasura ang kaso.
Dahil sa hayagang pagpabor ng mga pro-administration solons sa pagbasura sa kasong impeachment sa Pangulo, hindi natin maisasantabi ang pagdududa ng marami na may nangyari na namang milagro kaya’t ganun na lamang kabilis ang kanilang pagdedesisyon.
Nakakalungkot sa parte ng publiko dahil ipinagkait nila ang kagustuhan ng marami na malaman ang katotohanan sa mga anomalyang ikinakabit sa gobyernong ito partikular kay GMA.
Kung ganito lamang na pawang pagtatakip sa katiwalian ng gobyerno ang ipamamalas ng mga mambabatas, para sa amin, mas mainam na lusawin na lamang ang Kongreso.
Tutal wala na silang silbi sa sambayanang Filipino dahil hindi na ang kagustuhan ng publiko ang kanilang prayoridad kundi ang sarili nilang mga interes, mas mabuting buwagin na lamang ang Kongreso.
Napakapalad naman nila na sa kabila ng pangwawalang-hiya nila sa taumbayan ay tatanggap pa sila ng milyong pork barrel bukod pa sa tinatanggap na “padulas” sa tuwing pagtatakpan ang kalokohang ginagawa ng gobyernong ito.
|