May nagpadala po sa akin ng tanong sa pamamagitan ng text message kung naniniwala ba raw ako na ang aking mga kasamahan sa Kongreso ay tumanggap ng suhol upang pigilan ang pagdinig ng impeachment sa Mababang Kapulungan laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Napakahirap pong sagutin ng diretso ang tanong na ito dahil ako ay kabilang din sa kapulungan ng House of Representatives at nalulungkot ako sa mababang pagtingin sa amin bilang isang institusyon.
Subalit napakahirap supilin ang mga pagdududa. Totoong may mga umamin na mga kongresista na tumanggap ng pera na nakasilid sa mga paper bags na ipinamudmod daw sa Malacañang. Lumutang ang personal na testimonya ng dating House Speaker na matapos silang mag-golf sa China kasama si Mrs. Arroyo at ang kanyang asawa na si G. Mike Arroyo ay nabago ang plano tungkol sa isang proyekto na hahawakan sana ng kumpanyang ZTE. Na kung noon ay dapat walang gagastuhin ang gobyerno sa nasabing proyekto ay biglang naging isang utang na ito na nagkakahalaga ng $329 million (US dollars) na kailangan bayaran ng mga Pilipino.
Kung kaya ang nais sanang makamit ng nasabing impeachment, kung pinayagan ng mga kaalyado ni Mrs. Arroyo na umabot man lang sana sa puntong ipaliliwanag at pag-uusapan ang mga akusasyon sa nasabing impeachment complaint, ay maalis ang mga pagdududa na binayaran ang mga kongresista upang huwag nang makalkal pa ang detalye ng mga pag-uusig sa Pangulo.
Ang pinakamalaking problema ni Gng. Arroyo sa aking palagay ay ang pagdududa ng taong bayan. Tumindi pa ito ngayon dahil hindi nasagot ang mga tanong mula sa mga eskadalong nabanggit sa itaas. Mahirap sa isang lider ang hindi pagkatiwalaan ng kanyang mga nasasakupan. Ang pagdududa ay balakid sa pagtupad sa mga plano at pangarap ng isang tapat na Pangulo para sa kanyang bayan. Ang impeachment sana ay isang pagkakataon na dinisenyo upang ang isang Pangulo gaya ni Gng. Arroyo ay makapagpaliwanag sa bayan kung s’ya man ay maakusahan ng ano mang uri ng krimen. Linisin ang kanyang pangalan, ipaliwanag sa bayan ang katotohanan kung s’ya nga ay walang nilabag na batas at walang ginawang mali at hindi siya dapat pagdudahan na nagtaksil sa pagtitiwala ng bayan.
Subalit hindi na nga umabot sa puntong iyon. Hindi tayo nabigyan ng pagkakataon, masyadong malaki ang agwat ng boto. Apatnapu at dalawang (42) kongresista ang hindi pumayag na ituloy ang pagdinig sa impeachment laban sa aming walo.
Kung kaya, nananatili ang pagdududa. Marami ang nag-iisip na nabayaran ang mga representantes para lamang maprotektahan ang Pangulo at hindi na siya mapilit na magpaliwanag sa lumalalim na pagdududa na siya ay nagtaksil kay Juan dela Cruz, na pinayagan niya ang mga proyekto kung saan lugi ang Pilipino at pinayagan niya na waldasin ng ilan ang pera mula sa kaban ng bayan.
Paano na mawawala ang pagdududa!
Patuloy ko po kayong inaanyayahan na ipadala sa akin sa mydarlene2007@yahoo.com o kaya ay i-text sa numerong 09292144014 and inyong mga tanong at mga opinion, mga kwento at mga suhestyon. Sana po ay ilakip ninyo ang inyong pangalan at address sa inyong mga liham at text messages.
|