Patay na ang pusakal na Abu Sayaff lider na si Commander Robot pero mukhang sa mababang kapulungan ay nagkalat ang mga kongresista na kung kumilos ay mistulang mga robot ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.
“Bulag, pipi at bingi” ang deskripsyon ni Bayan Muna partylist Rep. Teddy Casino sa 42 kongresistang miyembro ng House committee on justice pero hindi naman talaga eksakto ang ganitong paghahalintulad dahil malaking insulto ito sa mga taong tunay na bulag, tunay na bingi at tunay na pipi.
Mas angkop sigurong tawaging Congressman Robot ang 42 kongresista ng administrasyon dahil bagama’t alam nila ang tama sa mali ay sunud-sunuran pa rin sila sa dikta ng Malacañang na siyang may taban ng kaban na siyang dahilan kung bakit sila naging kongresista.
Totoo namang de-susi kundi man di-remote control ang mga administration congressman lalu pa’t impeachment complaint laban kay GMA ang tinatalakay sa committee on justice.
Maski nga ang mga kongresista noong panahon ni dating Pangulong Erap Estrada ay kinakitaan ng independensiya at husay sa paghimay ng mga argumento sa batas ay naging mga robot na rin ng Malacañang at hindi na kumikilala sa “superior reasoning” sa mga debate.
Hindi rin nakatulong ang pagsisiwalat ni dating Speaker Jose de Venecia sa kanyang mga nalalaman hinggil sa maanomalyang ZTE deal dahil noong siya ay nakaupo ay robot din kung magsikilos ang kanyang mga kongresista.
Matagal na rin namang alam ng publiko na lahat halos ng kongresista ay nabibili kung kaya wala nang nabigla nang sabihin mismo ito ni JDV dahil ang mas dapat itanong kay JDV ay kung bakit wala siyang ginawa noon para palitan ang masamang kultura sa hanay ng mga kongresista.
Walang duda na sinadyang patayin noong Miyerkules ang impeachment complaint bilang regalo ng mga robot na kongresista kay GMA na nakatakdang dumating ngayong araw na ito mula sa APEC summit sa Lima, Peru at pagbisita sa Colombia at Los Angeles sa US.
Siguradong patay din ang impeachment complaint sa botohan sa plenary dahil mas maraming Congressman Robot na ang dadalo rito para bumoto nang ayon sa dikta ng Malacañang kapalit ng “Christmas bonus” na hindi bababa sa P500,000.
Kapag patay na nga naman ang reklamong impeachment ay mahaharap na ng mga administration congressmen ang isyu ng charter change na pilit din sa kanilang ipinapatrabaho ni GMA sa pamamagitan ng kanyang most trusted political lieutenant na si DILG Secretary Ronaldo Puno.
Para ngang na-triple ang Christmas bonus ng mga pro-GMA congressmen dahil bukod sa natanggap na bonus sa pagpatay sa impeachment ay siguradong may dagdag na bonus pa rin silang matatanggap kapalit ng pagpirma nang pabor sa ChaCha sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Ang problema nga lang sa Constituent Assembly ay kinakailangan din ang pagsang-ayon ng Senado rito kung saan kailangan din ang 2/3 o 18 senador na boboto para sa pag-convene ng ConAss na siyang magrerebisa ng Saligang Batas.
Hindi naman kasi robot kung mag-isip at kumilos ang mga administration senators dahil nga kilala ang Senado bilang “24 independent republics” na ang ibig sabihin ay kailangang kumbinsido sila sa isang isyu bago mag-desisyon.
Hindi ko lang mabasa pa kung ano ang gagawin ni GMA kapag naging pormal na ang pagpatay sa ConAss ng mga senador na ayaw maging robot ng Malacañang.
Dati ay nagpanukala ang mga pro-GMA congressmen na buwagin ang Senado para maging unicameral na lang ang lehislatura na mas madaling kontrolin ng Malacañang.
Kung ako ang tatanungin, mas dapat buwagin ang mababang kapulungan dahil hindi natin kailangan ang mga Congressman Robot at mas mainam pa siguro kung palalakihin na lang ang Senado (mula 24 patungong 50 at by region ang eleksyon) dahil mas makakatiyak tayong hindi ito makokontrol ng Malacañang kahit sino ang nakaupo.
Patay na si Commander Robot ng Abu Sayyaf. Panahon na rin siguro para burahin ang mga Congressman Robot sa pamamagitan ng paglusaw sa House of Representathieves.
|