Iisa ang naging panawagan ng mga miyembro ng Upper House sa liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kaugnay sa madugong pag-atake sa Mumbai, India.
Ayon kay Sen. Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, dapat magsilbing babala sa gobyerno ang nangyari sa India kahit malabong mangyari sa Pilipinas ito.
Pinakamagandang gawin ngayon ng Malacañang, ayon kay Aquino ang pakilusin ang lahat ng intelligence unit at maging maingat sa disbursement ng pondo.
“Kailangan handa tayo, hindi ko sinasabing mangyayari pero hindi dapat natin balewalain ang mga ganitong sitwasyon,” hamon ni Aquino sa intelligence unit ng gobyerno.
Pinatutukan naman ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang posibleng ‘paggalaw’ ng mga tinaguriang religious extremist sa bansa dahil maaaring ‘sumakay’ ang mga ito sa nangyaring pag-atake sa India para magpapansin.
Ayon kay Revilla, chairman ng Senate committee on public services, hindi maaaring ismolin ang nangyari sa Mumbai India kung saan humigit-kumulang 100 katao kabilang ang mga dayuhang turista ang pinatay.
Sa report, ilang armadong grupo ang sumalakay sa iba’t ibang luxury hotels at coordinated attacks ang inilunsad sa mga kilalang restaurant, hospitals at istasyon ng train sa Mumbai, India maging sa financial capital nito.
“Its very unfortunate what happened in Mumbai. If what reports say are true, it is very sad how far religious extremist can go. This incident should place all police forces on guard so that we see no repeat in any other parts of the world,” ani Revilla.
Umaasa si Revilla na magsisilbing ‘eye opener’ sa pulisya at militar, sampu ng bumubuo sa intelligence units ng gobyerno ang pag-atake sa Mumbai at maging alerto para maiwasang maulit ito.
“This is an eye opener to the reality of the threat of terrorism. Everyone must be vigilant and alert,” ani Revilla.
Habang si Sen. Loren Legarda, pinatutukan sa pulisya ang lahat ng tourist destination at tiyaking ligtas ang mga dayunan o turistang naka-check in sa mga de-kalibreng hotel.
“We must secure our tourist spots and make sure it does not happen here,” ani Legarda.
Wala namang ibang panalangin si Senate minority floor leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., kundi makaiwas ang Pilipinas sa ganitong insidente at walang religious group ang gumaya rito.
“Terible talaga. Sana ‘di mangyari dito sa atin,” ani Pimentel bilang reaksyon sa Mumbai attack matapos maitala ang 101 patay.
|