Hindi ang ‘Mumbai attack’ sa India ang nakikitang senaryong magaganap sa Pilipinas bagkus ay ang pagkubkob ng mga demonstrador sa government installation sa Bangkok, Thailand at posibleng pag-ugatan nito ang pagsusulong sa Charter Change (ChaCha) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito ang naging babala at prediksyon ni Sen. Richard ‘Dick’ Gordon bilang reaksyon sa magkahiwalay na kaguluhan sa Thailand at India.
Ayon kay Gordon, hindi matutulad ang Pilipinas sa Mumbai, India kung saan pinagpapatay ng isang grupo ang mga dayuhang turista lalo pa’t malinaw aniyang terorismo ang naganap dito.
Mas kinatatakutan ni Gordon ang nangyari sa Thailand kung saan kinontrol at pinaralisa ng mga demonstrador ang international airport sa Bangkok.
Ang nangyari sa Thailand, ayon kay Gordon, ay pagpapakita ng matinding pagkadismaya sa gobyerno kahalintulad sa nararanasan ngayon ng adminisrasyong Arroyo kung saan tahimik subalit kumukulo ang damdamin ng publiko.
Aniya pa, kung may pag-uugatan ng pagmartsa sa kalsada ng publiko, walang iba kundi ang pagsusulong ng mga kampon ni Mrs. Arroyo sa ChaCha at pagpapalawig sa termino ng Pangulo na pinapalagan ng publiko.
“Iyong ChaCha ang nakakatakot, ‘di masabi kung ano ang kaya ng tao. Malabo iyong nangyari sa Mumbai pero iyong sa Thailand, posible dito,” ani Gordon.
Sa ngayon, tahimik aniyang nagmamasid ang publiko sa pagsusulong ni Mrs. Arroyo sa Charter Change subalit dapat pakatandaan ng Malacañang na natututo lamang ang Thailand sa dalawang rebolusyong naganap sa Pilipinas, partikular ang Edsa 1 at Edsa 2.
“Well, sometimes people remain quiet and docile and then something breaks. The unabashed attempt to try and change the Constitution… I’m glad it’s dead. I hear it’s dead. Many congressmen are taking heed, they’re withdrawing their signatures in Congress on the ChaCha bid,” ani Gordon.
Samantala, tila allergic naman sa bantang “People Power” ang Malacañang matapos sabihan ang mga kritiko kahapon na huwag na itong ungkatin pa.
Nang mausisa sa panawagan ng ilang grupo na buhayin ang “People Power” dahil sa umano’y pagkamatay ng demokrasya sa bansa bunsod ng pagbasura ng House Committee on Justice sa impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo, sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na hindi dapat kunsintihin ng mga kritiko ang usapin sa “People Power” dahil sinusunod naman umano ng pamahalaan ang tamang proseso sa anumang kinakaharap na kontrobersya ng punong ehekutibo.
Sinabi ng Kalihim na hindi tamang pag-alabin ang kalooban ng taongbayan lalo na ngayong may kinakaharap na krisis pang-ekonomiya ang buong mundo.
“Sana huwag nating i-encourage such a talk, meron naman tayong procedure. Huwag nating pag-initin ang kalooban ng mga tao, bigyan natin ng pagkakataon ang sistema to work properly,” ani Ermita.
Sa kabila nito, nananatili naman ang kumpiyansa ng Palasyo na “matabang” na ang taongbayan sa usapin ng pag-aalsa dahil ito ay “thing of the past” na at mas “politically matured” na rin umano ang mga Pinoy sa kasalukuyan.
Sa Kamara, nagbabala naman si Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño na sakaling magtagumpay ang ChaCha na pinoponente ng mga loyal allies ni Arroyo sa Kamara sa pangunguna ng anak nito na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo, posibleng magtuluy-tuloy na ang panibagong diktadurya sa Pilipinas.
“Kapag lumusot ang ChaCha habang nasa poder pa si Mrs. Arroyo, hindi lamang niya malulusutan ang mga kasong isinampa sa kanya sa impeachment kundi baka maging daan pa ‘yan ng panibagong dictatorship,” ani Casiño.
Ito ang dahilan kaya hindi umano dapat magtagumpay ang nasabing pagkilos ng mga kaalyado ni Arroyo dahil kung hindi ay babalik sa madilim na yugto ng kasaysayan ang bansa.
|