Ano kayang meron sa isang staff ng senador at halos magkandarapa sa kanya pati ang ilang miyembro ng Upper House?
Ito ang katanungan ng ilang bagitong usisero sa Senado matapos nilang masaksihan ang kakaibang impluwensya ng staff, gayung hindi naman siya miyembro ng Kapulungan.
Sa nasagap na impormasyon ng TONITE, ipinagtataka raw ng ilang usisero kung bakit halos pilahan ng ilang senador ang staff na ito, na hindi naman kabataan, subalit likas pa rin ang kagandahan at kaseksihan.
Sa opisina lang daw nagbababad ang naturang staff dahil bihira itong maggagala sa alinmang palapag ng Senado, as in pang-opisina lang talaga.
Pero minsan, naligaw raw ito sa plenary hall ng Senado upang sundan ang kanyang amo na noo’y abala sa mga ginagawa sa bulwagan ng kapulungan.
Aba’y pagkakita na pagkakita sa staff ay agad na lumapit ang isang senador na taga-Luzon at agad na kinamayan ito, buti na lamang at hindi bineso-beso at baka maiwan pa ang laway nito sa pisngi ng babae.
Sukat nito’y nagsunuran na rin ang ibang senador para batiin lamang ang nasabing staff, animo’y tumama sa lotto na pinagkakaguluhan dahil sa pagiging sikat.
Kung baguhan ka lang sa Senado, aakalain mong misis ng senador ang staff na pinagkakaguluhan ng mga senador, na tila ngayon lang nila nakita sa pagkatagal-tagal ng panahon, gayung nasa opisina lang ito palagi ng senador, at malimit ay kasama sa mga lakad sa loob at labas ng bansa.
Sa sobrang pagiging close daw ng staff na ito sa kanyang among senador, alam na nito ang mga favorite color, favorite food, as in buong nilalaman ng slum book ng senador ay kabisado na nito.
Nainggit tuloy ang ilang kalalakihang senador, lalo na ang isang beteranong senador, dahil sa tanang termino niya ay hindi niya nagawang kumuha ng magandang staff na palaging nag-aalaga sa kanya, dahil na rin sa order ni kumander.
Clue: Ang senador na may alagang maimpluwensyang staff ay kilalang may negosyo sa isang lalawigan. May dati itong pinaiyak na babae sa Senado, subalit ngayon ay bati na sila. Ang kanyang pangalan ay madali mong malalaman kapag binilang mo ang kanyang edad.
|