NANGINGILID ang luha ni Sen. Jinggoy Estrada nang makausap namin siya sa presscon ng pelikulang Magkaibigan kahapon nang tanghali.
Nasilip kasi niya sa trailer ‘yung eksenang nagpapaalam na ang kanyang dying best friend (ginampanan ni Christopher de Leon). 
“Oo, ‘yung eksena lang na ‘yon na sinabi ni Boyet na pagod na pagod na siya, hirap na hirap na siya. Nangyari talaga ‘yun, eh!
“Sinabi ko nga kay direk (Joey Reyes) nu’ng nagti-take kami, na ‘yun ang eksaktong sinabi ni Rudy (Fernandez). That really happened.
“Sabi ko sa kanya (Daboy), ‘Palakas ka.’ Sagot ni Rudy sa akin, ‘Pagod na pagod na ako…’ Nag-flashback lang sa akin, kasi nangyari talaga ‘yon sa totoong buhay,” mahina ang boses na pahayag ng butihing senador.
Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin niya natatanggap na wala na si Daboy?
“Well, kailangan nating tanggapin dahil hindi ko na siya nakikita. So, we’ll just pray for him,” sagot niya, habang patuloy na naiipon ang luha sa kanyang mga mata.
Sa paggawa nila ng Magkaibigan na film tribute niya kay Daboy, marami ba siyang nai-release na emosyon at pinakawalan ba niya ang lahat ng depresyon na nararamdaman niya?
“Hindi naman. Ako minsan, pumupunta pa rin ako sa puntod ni Rudy. Hindi ko pa rin makalimutan ‘yung mga pinagsamahan namin for 20 years,” sambit ni Jinggoy, na maya-maya pa ay tuluyan nang tumulo ang mga luha.
Huminto siya saglit sa pagsasalita, tumalikod sa mga kaharap na press at nagpahid ng kanyang mata.
***
Ayon kay Jinggoy, kinokonsulta nila ang biyuda ni Daboy na si Lorna Tolentino tungkol sa pelikula.
Nang minsang dumalaw sa set ng movie si LT ay hindi raw nito matingnan ang eksenang kinukunan nila.
“Once, nagpunta siya (Lorna), nu’ng last shooting day. Kasi, kinunan namin ‘yung death scene. So, parang hindi niya kaya. Umiiwas na lang siya na makita ‘yung eksena.”
Naging mahirap din ba para sa kanya na gampanan ang papel na halos plakado sa mismong pinagdaanan niya sa totoong buhay?
“Well, it was not difficult because I was a witness to that. Nandu’n ako nu’ng mamatay si Rudy. I was at his bedside. It was some sort of reenactment na lang sa pelikulang ito. Hindi na kailangang iarte ‘yung eksena, so it came out naturally,” sey niya.
Masakit ba sa dibdib na ‘yung mga ‘sugat’ na dapat ay medyo naghihilom na ay nabuksan at nanariwa muli dahil sa paggawa nila ng pelikulang ito?
“Of course, sariwa pa rin sa akin ‘yon. It’s only been five months since his death (Hunyo 7, 2008 sumakabilang-buhay si Daboy sa sakit na peri-ampullary cancer). So, it hurts. Araw-araw, maaalala mo siya.”
***
Ang darating na Pasko ang first Christmas nina Jinggoy na wala na sa piling nila si Daboy…
“Nakakalungkot. Kasi, during New Year’s Eve, after ng mga putukan-putukan, nandu’n lagi siya (Daboy) sa bahay namin. I have to cope with it,” wika ng senador.
Ano’ng plano nila sa darating na Kapaskuhan?
“Siguro, yayayain namin si Lorna at saka ang mga bata (Ralph & Renz Fernandez), just to keep their company.”
‘Pag nakikita niya si LT, nasasabi niya bang kahit paano ay nakaka-recover na ito sa nangyari?
“Well, mahirap sabihin, eh! Kasi, ilang taon din silang kasal. I mean, araw-araw, magkasama sila. Araw-araw, magkatabi sila sa kama. Araw-araw, nagkikita sila.
“Mahirap ‘yon. It’s very difficult. Ako nga, 20 years kong kasama (si Daboy), hindi naman kami araw-araw nagkikita, pero araw-araw kaming nag-uusap… it’s also difficult for me.”
***
Dahil damang-dama niya ang role niya sa Magkaibigan ay tila mas bumigay nang husto rito si Jinggoy.
Nag-e-expect ba siyang mag-Best Actor ulit after niyang magwagi last year para sa Katas ng Saudi?
“Ay, hindi, hindi, hindi. It’s hard to expect. Especially, Boyet is there. No! Ha! Ha! Ha!
“Actually, isang malaking karangalan na makasama sa isang pelikula si Boyet, who is multi-awarded and one of the best actors we have in the industry. Masaya ako ‘pag siya ang nanalong Best Actor.
“Nu’ng una kong malaman na makakasama ko si Boyet, hindi ako makapaniwala. Nangangatog ako dahil ang galing niyang aktor at ang dami na niyang award.
“’Pag kaeksena ko siya, hindi ko na lang iniisip na siya si Boyet dahil baka umabot kami nang take 10. Ibang artista na lang ang iniisip ko… si Bong Revilla ang iniisip ko! Joke lang! Ha! Ha! Ha!” tawa ng palabirong si Sen. Jinggoy.