TATLONG linggo raw na naka-cast ang kanang paa ni Marian Rivera dahil nabali ang buto niya nang nadapa siya sa shooting ng Shake, Rattle and Roll X.
Nakabakya kasi si Marian kaya hindi maganda ang pagkatapilok niya at tuluyan siyang nadapa. 
Nang na-CT Scan ito, nakita nilang nabali ang buto sa kanyang paa, pero mabuti na lang at hindi naghiwalay.
Kailangan kasing operahan ito kung naghiwalay, pero hindi, kaya ikinast lang ito, at naka-wheelchair siya ngayon.
Kahapon ang last shooting day ni Marian sa Desperadas 2 at kailangan itong ituloy, kaya ang mga eksenang kinunan sa kanya ay nakaupo siya.
Sa last shooting ng Shake, Rattle and Roll X ay nakaupo rin ang eksena kaya pinilit na lang ni Marian na mag-shooting para matapos na ito.
Kuwento pa ng kanyang manager na si Popoy Caritativo, meron pang event si Marian sa Jag at kailangan din itong matuloy, kaya okay lang sa kanila na nakaupo lang ito.
Ang pinuproblema ni Popoy ay ang dance concert nina Marian at Dingdong Dantes sa Disyembre 5 sa Amerika.
Hindi pwedeng sumayaw si Marian sa show na nakaupo sa wheelchair pero kailangan niyang tuparin ang napirmahang kontrata kaya aalis pa rin siya pa-Amerika kahit nakasemento ang kanyang paa at naka-wheelchair siya.
***
Excited si Carlene Aguilar sa kanyang first movie na Iskul Bukol… 20 Years After dahil bukod sa Tito, Vic & Joey movie ito at entry sa Metro Manila Film Festival, si Vic Sotto ang parang ka-partner niya rito.
Nalagpasan na raw niya ang shooting na madalas pang kaeksena si Bossing Vic, hindi niya akalaing magda-dubbing pa siya at doon siya nahirapan.
Pinilit ko pa itong dumalo sa presscon ng Iskul Bukol dahil nahihiya raw siya.
Pero nang humarap na ito sa press, lumabas na ang pagkamatabil ni Carlene dahil hindi na niya naiwasan ang mga tanong tungkol sa pagtawag sa kanya ni Phil Younghusband at nag-‘I love you’ pa ito sa kanya.
“Hindi ko pinansin iyun dahil lasing lang siya at madaling araw pa iyun, antok na antok pa ko. Hindi ko na sineryoso iyun.
“Ang mali ko lang, hindi ko nasabi kay Ms. Joyce na manager niya. Kasi, parang wala naman sa akin iyun,” pahayag ni Carlene.
Hindi nagkomento si Carlene sa isyung tuloy pa rin daw ang relasyon nina Dennis Trillo at Cristine Reyes. Hindi raw nila pinag-usapan iyun ni Dennis.
Nang tinanong namin si Dennis tungkol dito, sobrang tagal na raw iyun. Matagal nang tapos ang sa kanila ni Cristine, kaya huwag na raw itong patulan. Sa ngayon ay ini-enjoy daw niya ang pagiging single
Kung si Carlene ang tatanungin, okay lang daw sa kanya na magka-girlfriend uli si Dennis pero sana, iba naman daw at tapusin na ang pagkaka-link nito kay Cristine.
“Dapat, iba na. ‘Yun nga ‘yung sinasabi ko na parang tapos na ‘yun, eh. Saka, masyado nang nadungisan ‘yung pangalan niya dahil du’n, so, kailangan, iba na,” ani Carlene.
Sa ngayon, mas gusto ni Carlene na wala munang girlfriend si Dennis dahil nahahati raw ang atensyon nito sa kanilang anak.
“Kasi, parang pag may ibang babae, hati iyung time. So, gaya ng sinasabi ko sa kanila na kung sinabi mong single ka, panindigan mo ‘yun ngayon, i-enjoy mo yung pagka-single mo. I-enjoy mo muna ‘yung time mo with your son,” patuloy ni Carlene.
Agree si Dennis sa sinabing iyun ni Carlene kaya gusto nga raw niyang single siya ngayon. Bukod sa kanyang anak, focus daw niya ang trabaho, partikular ang pinagbibidahan niyang TV series na Gagambino.
|