|
|
PUBLIC
SERVICE
Open letter ng maysakit na OFW Bibigyang-daan natin ang isang open letter mula sa isang Roberto Panganiban, isang OFW na may sakit na kanser, nang sa gayun ang matulungan siya ng mga kinauukulan kahit papaano. Sana’y marebisa rin ng OWWA ang mga polisiya kaugnay nito upang makatulong sa mga tinaguriang Bagong Bayani ng bansa. Sa mga kapwa ko OFW, Isa akong OFW na nagtrabaho sa Maritime Industrial Services sa Sharjah, United Arab Emirates at last July 31, 2007 ay umuwi po ako ng Pilipinas dahilan sa karamdaman. Sa St. Luke’s Medical Center ay napag-alaman na ako po ay may lung cancer at ito ay nasa fourth stage at hindi na pwede ang anumang operasyon. Tanging combined chemotherapy at radiation therapy na lamang po ang lunas at ang disability ko po ay nalagay sa total permanent. Bilang isang aktibong miyembro at contributor sa OWWA at sa alang-alang na rin sa tiwala at paniniwala ko sa magaganda nilang mga programa katulad ng Insurance and Health-Care Program Benefits sa bawat miyembro ng bawat OFW ay nagsadya po kami ng maybahay ko sa mismong opisina ng OWWA upang mag-file ng aplikasyon para sa anumang tulong na kanilang maipagkakaloob. Subalit nadismaya po ako at ang aking maybahay dahil sinabi po sa amin na hindi ako qualified dahil ang disability ko na total permanent ay resulta ng karamdaman at ang sinasagot lamang at tinutulungan ay iyong mga OFW na miyembro ng OWWA na nagkaroon ng disability dahilan sa aksidente. Kaya naisip ko tuloy, lumalagay na balewala o walang kuwenta ang binabayaran ko na OWWA membership sa tuwing aalis ako pagkatapos ng aking bakasyon bawat taon. Tayong OFW na sinasabi nila na mga Bagong Bayani ang nagpapasok ng malaking halaga ng dolyar sa ating bansa. Tayo ang direktang nalalagay sa mga panganib, sa mga hindi maayos na kapaligiran na kung saan ay ipinagkakaroon natin ng karamdaman. Tapos ngayon, kapag lalapit tayo sa OWWA upang humingi ng tulong ay sasabihin nila na hindi pwede kapag ang disability ay resulta ng karamdaman. Mga kasama at kapwa kong OFW, sa palagay n’yo kaya ay tama at katanggap-tanggap ang nasabing aksyon ng OWWA? Naging karanasan ko na po noong (Sept. 7, 2007) kaya naipasya ko po na ipaabot sa inyo -- na mga kapwa ko OFW. Ang karamdaman ay maaaring dumating sa kahit na sinong OFW kaya hindi man ako matulungan, sana -- kayo na naririyan pa ay magtulung-tulong at magkaisa na hilingin sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na huwag lamang ang naaksidente o namatay na OFW ang nararapat na tulungan. Dapat sana, basta OFW -- bilang Bagong Bayani ng ating bansa na nangangailangan ng tulong o benepisyo ay nararapat lamang na tumanggap ng karampatang tulong. Kapag pupwede, ipaabot o paki-forward kay Mrs. Letty Castillo at sa mga kapwa natin OFW na pupwedeng abutin ng e-mail kong ito upang magkaroon po sila ng kabatiran tungkol sa ilang Programa ng OWWA, at hinahangad ko rin na sana’y dinggin ako o tayo ni kasalukuyang OWWA Administrator -- si Hon. Marianito D. Roque. Ang inyong kasama at kapwa OFW, Usapan: Alam nating makakaabot sa mga taga-OWWA ang sulat na ito at nawa’y maaksyunan naman nila, alinsunod sa kanilang mandato na isulong ang welfare o kapakanan ng sektor ng mga OFW. Sa Lunes ay tatalakayin pa natin ang isyung ito.
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|