Editorial

Sanggang-Diin

Out of Order   


 

OPINION

Media na naman


Umapela si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa media na huwag daw pagpiyestahan ang mga isyung nakakasira lamang sa bayan.

Sa kanyang pagsasalita sa 33rd Top Level Management Conference ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa Clark, Pampanga, sinabi ni Ginang Arroyo na puro masasamang balita ang pinag-uukulan ng pansin ng ibang media sa kagustuhang tumaas ang ratings at listenership.

Nagtataka naman ako kung bakit wala man lamang yata kahit isang opisyal ng KBP ang tumayo at nagtanong sa Pangulong Arroyo kung ano ang tinutukoy niya na mga isyung nakakasira sa bayan.

Baka nahiya sa bisita o baka naman ayaw mapahiya ang panauhin nila!

***

Kung ang tinutukoy ni Ginang Arroyo na nakakasira sa bayan ay ang mga isyu ng nakawan sa gobyerno, mukhang nagkakamali ng kinausap ang Mahal na Pangulo.

Totoo namang nakakasira sa bayan ang mga isyung tulad ng 728 milyong pisong fertilizer fund scam, Hello Garci scandal, ZTE scandal, suhulan sa Malacañang at iba pang kamag-anak nito.

Pero kung makaapekto man sa ekonomiya at sa tiwala ng publiko sa administrasyon ang naturang usapin, sino ba ang may kasalanan -- media o ang mismong Malacañang?

Hindi kaya’t ang dapat pinagsabihan ng Pangulo ay hindi ang media kundi ang kanyang mga sariling tao at kaalyado na walang ginawa kundi kalokohan at katiwalian?

Simple lang. Kung walang bulok sa gobyerno, walang ibubulgar. Iyan ang trabaho ng media, magbantay. Kaya nga ang taguri ay watchdog.

Ang problema sa Pangulo at sa mga advisers nito, wala ng ibang alam pagdiskitahan kapag minumura ng taumbayan kundi media...media...media... media Haay buhay!

Sa kabilang banda, mas mabuti nga siguro sa mga media organizations tulad ng KBP at National Press Club na iwasan na ang pag-imbita sa Presidente sa anumang pagtitipon nila upang huwag namang lumitaw na para silang batang sinesermunan ng Mahal na Pangulo!

***

Kagabi ay may napatay na diumano’y lider ng Abu Sayaff ang mga operatiba ng PNP Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) sa Violago Homes, Quezon City malapit lamang sa binombang gusali ng Kongreso.

Base sa mga ebidensyang ‘nakuha’ ng mga pulis, mukhang iniuugnay sa Batasan bombing ang operasyon nila sa Violago na lalong nagpatibay sa teorya na si Basilan Congressman Wahab Akbar ang target ng pagpapasabog.

Kaya lang, magkaiba ang kuwento nina PNP Chief Avelino Razon at NCRPO Chief Geary Barias hinggil sa nabanggit na operasyon.

Ang kuwento ni General Razon, ang pangunahing pakay raw ng trabaho ng pulis ay upang isilbi ang arrest warrant laban sa isang Abu Sayaff leader ngunit hirit naman ni Barias, follow-up daw ito sa Batasan Bombing.

Ano ba talaga, Mamang Pulis?

Kung babasahin mo ang script este kuwento ni Barias, parang gusto nitong palitawin na sa Violago ang safehouse ng nagtanim ng bomba sa Batasan na ikinamatay ng apat at ikinasugat ng maraming iba pa.

Susmariano Ka Indo. Hindi ko tuloy masisi ang mga mamamayan natin kung bakit lagi na lamang nagdududa sa pulis.

Hindi pa tapos ang duda sa Glorietta explosion, may bago na naman tayong pagdududahan!

Naalala ko tuloy ang lumang biro ng isang kaibigan ko -- mas bagay raw ang maraming pulis sa Department of Agriculture. Magaling kasing magtanim...ng ebidensya!

Hindi ba, Secretary Barias?! (tunying016@yahoo.com)

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top