|
|
OPINION
Insulto sa common sense Kung mayroong dahilang magalit ang mga Pilipino sa administrasyon ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, pangunahin na rito ang walang patumanggang paglulubid ng istorya para pagtakpan ang malalaking iskandalong sumasabog sa mukha ni GMA. Insulto sa common sense na maituturing ang pinakahuling kuwento ni Deputy Speaker Ma. Amelita Villarosa hinggil sa pamimigay ng P500,000 sa mga kongresista na nagpunta sa Malacañang noong Oktubre 11. Halatang nagsisinungaling si Deputy Speaker Villarosa nang sabihing tanging sina Manila Rep. Benny Abante at La Union Rep. Thomas Dumpit ang nabigyan ng tig-P500,000 na galing sa pondo ng KAMPI (Kabalikat ng Malayang Pilipino) na partido ni GMA. Si Villarosa ang tumatayong secretary-general ng KAMPI. Papaano kaya ipapaliwanag ni Villarosa ang nakunan ng ABS-CBN na dalawang kongresista na may bitbit na paper bag habang papalabas ng Palasyo at naghihintay ng kanilang mga sasakyan. Maliwanag naman sa nakuhang ABS-CBN video na hindi sina Abante at Dumpit ang mga may hawak ng paper bag at may ilan ding mga kongresista ang umaming tumanggap pero hanggang anonymous sources lang sila sa media. Walang duda na nagpagamit si Villarosa sa Malacañang bilang bahagi ng damage control ng Palasyo at bilang bahagi rin ng "ceasefire" sa pagitan ni GMA at ni Speaker Jose de Venecia. Ito ang dahilan kung bakit noong araw mismong lumabas ang istorya hinggil sa pag-amin ni Villarosa ay agad na nagbigay ng paumanhin si KAMPI Chairman at DILG Secretary Ronaldo Puno kay JDV na una niyang pinagbintangan na nagpamudmod ng tig-P500,000 sa mga kongresista. Mukhang kasama sa mga kundisyones ni JDV sa pakikipag-ceasefire kay GMA ang public apology mula kay Secretary Puno dahil sa kanyang mga direktang atake sa House Speaker. Sa panig naman ni Villarosa, may umuugong na ang kapalit ng kanyang pagpapagamit sa damage control ng Malacañang ay ang pagbibigay ng pardon ni GMA sa kanyang asawang si dating Mindoro Occidental Gov. Jose Villarosa na nagdurusa ngayon sa New Bilibid Prisons matapos ma-convict sa double murder case. Kung kaya nga naman ni GMA na bigyan ng pardon si dating Pangulong Joseph Estrada na kaaway sa pulitika, di hamak namang mas dapat bigyan ng pardon ni GMA si Gov. Villarosa na kakampi nito at mismong ang asawang si Amelita ay secretary-general ng partido ng pangulo. Pero nagkakamali si GMA at kanyang political advisers kung inaakala nilang kaya nilang linlangin ang lahat ng Pilipino sa lahat ng pagkakataon lalo pa’t sobrang panggagago na ang kanilang ginagawa. Depende na nga lang sa Senado kung papaano nila isasagawa ang imbestigasyon sa payola kung saan dalawang gobernador sa katauhan nina Eddie Panlilio ng Pampanga at Jonjon Mendoza ng Bulacan ang nakahandang tumestigo at magsabi ng totoo. Sa kaso ng dalawang gobernador, mahihirapan ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa kanilang istorya na sa kanila galing ang perang ibinigay kina Panlilio at Mendoza dahil kailangan nilang magbigay ng mga pruweba gaya ng bank account kung saan galing ang tig-P500,000 na ipinamudmod. Kailangan ding ipaliwanag kung bakit sa Malacañang pa mismo ibinigay ang pera gaya ng nangyari rin sa kaso ni Congressman Abante na umaming sa Malacañang niya rin natanggap ang kanyang P500,000. Common sense ang nagdidikta sa atin na Malacañang ang namigay ng pera dahil na rin sa pagiging atrasado ng naging pag-amin ng LPP at ng KAMPI na sila ang pinanggalingan ng pera. Kaya nga common sense din ang iniinsulto ni GMA sampu ng kanyang mga kabig sa LPP at KAMPI sa ginagawa nilang pagsisinungaling at panloloko sa taumbayan.
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|