|
EBIDENSIYA SA BATASAN Mall owners sa Maynila
|
CRIME
STORIES
EBIDENSIYA SA BATASAN
Sinalakay kahapon ng hapon ng joint operatives ng pulisya at militar ang isang pinaghihinalaang safehouse ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Bgy. Payatas B, Quezon City kung saan tatlong suspek ang napatay at tatlo pa ang naaresto at kasama rin sa mga nakumpiska ang mga ebidensiya umano na nag-uugnay sa teroristang grupo sa naganap na pagsabog sa Batasan Pambansa. Bandang alas-4:30 nang isagawa ang pagsalakay na nagresulta sa shootout matapos umanong salubungin ng mga putok ng baril habang patungo sa isang barung-barong sa Payatas ang mga operatiba ng pinagsanib na pangkat ng Intelligence Service Group (ISG) ng Philippine Army, Special Action Force (SAF) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Samantala, kinilala ni Philippine National Police (PNP) Director General Avelino Razon Jr. ang isa sa mga napatay na suspek na si Abu Jandal na identified umano sa ASG at subject ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Danilo Bucoy ng Regional Trial Court sa Isabela, Basilan para sa mga kasong kidnapping at illegal detention. Bukod sa mga napatay at nasakoteng suspek, nakarekober umano ang pulisya ng isang dokumento tungkol sa bentahan ng pinaghihinalaang motorsiklong tinaniman ng bombang pinasabog sa Batasan. Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Geary Barias, nag-match sa nasabing deed of sale ang numero sa bar code ng motorsiklo (Honda XRM) na ginamit sa pagpapasabog sa Batasan na ikinasawi ni Basilan Rep. Wahab Akbar at tatlong iba pang biktima. Maliban dito, isang plate number 8 na naka-designate lamang sa mga kongresista ang nakumpiska umano sa lugar gayundin ang isang identification card na nakapangalan sa isang Ikram Indana, umano’y legislative staff for deputy speaker for Mindanao. 3 NAHULING SUSPEK INIIMBESTIGAHAN NA Hawak na ng CIDG ang tatlo pang suspek na nahuli sa Payatas raid at kasalukuyang isinasailalim ang mga ito sa masusing interogasyon ng mga tauhan ng CIDG at ISG. Nabatid na kusa umanong sumuko ang tatlo matapos ang bakbakan na nagresulta sa pagkamatay ng suspek na si Abu Jandal. Isa pang lalaki at isang babae na parehong hindi pa nakikilala ang kasama rin sa mga napatay. Ayon kay Barias, sumuko umano ang tatlo ng humupa ang putukan at pasukin na ng mga operatiba ang loob ng bahay. Kasalukuyan pa umanong inaalam ng mga awtoridad kung ano ang partisipasyon ng tatlong nahuli sa mga aktibidades ng napatay na si Jandal. Maaari umanong maituring na suspek ang tatlo dahil nasa loob ito ng bahay ng isagawa ng mga awtoridad ang pagsalakay. PRODUKTO NG INTEL REPORT Ipinahayag naman ni Philippine Army spokesman Lt. Col. Ernesto Torres na produkto ng patuloy na intelligence report sa mga pinagsususpetsahang personalidad na nagkukuta sa Metro Manila ang pagkakatunton sa safehouse ng ASG. "The reason for the raid is somewhat related to the investigation on the blast," pahayag pa ni Torres. Ayon kay Torres, sinalubong ng mga putok ng baril ang mga operatiba ng militar at pulisya ng kanilang pasukin ang isang barung-barong sa Payatas na malapit sa Batasan Pambansa, para arestuhin sana ang mga pinaghihinalaang kidnappers. Gayunpaman, patuloy pa aniyang kinikilala ang mga napatay na nanlaban umano ng mahigit limang minuto sa joint operatives ng Intelligence Service Group, Special Action Force, at Criminal Investigation and Detection Group. EXPERIENCED BOMBER Base naman umano sa preliminary findings, may indikasyong "experienced" ang nagpasabog sa Batasan na nagpalakas sa teorya ng pulisya na target nga ng pagpapasabog si Cong. Akbar. "The one who made this bomb was pretty experienced. It is sophisticated," ayon kay PNP chief Razon. Tinukoy ni Razon ang 180-degree blast arc na nilikha ng pagsabog para tamaan umano si Akbar habang papaalis na ito sa Kamara. Naniniwala ang pulisya na si Akbar ang puntirya ng pagpapasabog dahil kung nais umano ng may kagagawan nito na lumikha ng "general destruction" dapat ay isinagawa ito sa isang lugar kung saan mas maraming kongresista ang mamamatay. Sinabi naman ng NCRPO chief na base sa imbestigasyon ng mga eksperto ng pulisya, nadetermina na trinitrotoluene o TNT ang ginamit na pampasabog na ibig aniyang sabihin ay "dynamite sticks" ang posibleng ginamit sa bomba. (Nilo Marasigan/Aries Cano/Lily Reyes/AFP/AP) |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||||
|
|