Dear Kuya Rom,
Magandang araw po. Ako po ay may asawa na nasa Kuwait. May anak akong isang babae, 15 yrs old. Siya ang dahilan ang pagnanais kong humingi ng payo.
Pinalaki ko ang anak ko ng mabuti; hindi siya nawawalay sa akin.
Kilalang-kilala ko siya. Ngunit minsan na dumating ako sa aming bahay galing sa trabaho, nakita ko ang aking anak na nagbibihis sa kanyang kuwarto.
Nagulat ako dahil naroon ang pamangkin kong lalaki na 9 yrs. old. Nasa loob siya ng kuwarto at pinanonood ang anak ko na nagbibihis.
Pinalabas ko agad ang pamangkin ko. Hindi ko na tinanong ang anak ko kung bakit hindi niya pinapalabas ang pinsan niya. Ang pamangkin ko ang tinanong ko kung bakit siya nasa loob ng kuwarto. Pinapasok daw siya ng anak ko.
Natakot ako. Bakit pinapasok ng anak ko ang pamangkin kong lalaki kahit siya ay nagbibihis? Takot naman akong magtanong sa anak ko dahil baka siya magalit o sumama ang loob sa akin.
Hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin ang anak ko na ganoon ang ginagawa.
Umaasa po akong ako’y inyong mabigyan ng payo. -- Mommy
Dear Mommy,
Kung tunay na pinalaki mo ng mabuti ang anak mong babae nagdadalaga na mula pa nang siya’y sanggol pa, wala kang dapat ikatakot. “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan” (Kawikaan 22:6).
Ganunpaman, matanong kita, ano ang basehan mo ng mabuti? Suriin mo kung ano ang mabuti para sa iyo pagkat ang salitang “mabuti” ay may iba’t ibang kahulugan sa iba’t ibang tao. Halimbawa, ang mga taong nagpasabog ng bomba sa LRT ay naniniwalang mabuti ang kanilang ginawa dahil tinupad nito ang adhikain ng kanilang samahan. Ang isang doktor na lalaki na niligawan at pinagsamantalahan ang kanyang pasyenteng babae ay naniniwalang mabuti ang kanyang ginawa dahil nasiyahan siya. Ang mga “mabuti” na ito ay kasuklam-suklam, ‘di ba? Nawa’y nauunawaan mo ang nais kong iparating sa iyo.
Kung tunay na mabuti ang pagpapalaki mo sa anak mo, puwede mo siyang kausapin tungkol sa kanyang mga ikinikilos ng ‘di siya magagalit o sasama ang loob sa iyo. Ngayon, paano mo bubuksan sa kanya ang isyu? Dahan-dahan, mahinahon, walang halong panghuhusga, at nararamdaman niya ang pagmamahal mo sa kanya. Kung may problema man siya na dapat harapin at nangangailangan ng tamang solusyon, bigyan mo siya ng pagkakataong magsisi at magbago. Higit sa lahat, ilapit mo siya sa Diyos at ipanalangin mo siya.
Ang gabay ng Biblia para sa mga magulang ay ito: “Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong anak dahil sa malabis ninyong kahigpitan; sa halip, palakihin sila sa tuntunin at aral ng Panginoon” (Efeso 6:4). Ang galit, ang sobra at wala sa lugar na paghihigpit ng mga magulang ay hindi nakatutulong sa tamang pagpapalaki ng mga anak.
Sa kabilang banda, ang turo ng Biblia na dapat ay isinasabuhay ng iyong anak ay ito: “Mga anak, sundin ninyo ang inyong magulang, alang-alang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat. “Igalang mo ang iyong ama at ina.”
Ito ang unang utos na may kalakip na pangako; ganito ang pangako: “Ikaw ay giginhawa at lalawig ang iyong buhay rito sa lupa” (Efeso 6:1-3). Ituro mo ito sa kanya at matuto siyang magpasakop sa iyo pagkat ikaw bilang ina ay siyang itinalaga ng Diyos na tagapamahala sa mga pangyayari sa tahanan.
Ang katibayan ng mabuting pagpapalaki mo sa kanya ay makikita sa kanyang pagtugon sa iyo sa oras na buksan mo sa kanya ang usaping nais mong liwanagin. Ibalita mo sa akin ang bunga ng inyong pag-uusap. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom |