DAHIL sa iskandalong kinasangkutan ngayon ni Katrina Halili, nagpasya ang bagong film outfit na Pixel8 Entertainment Productions na ilabas na ang pelikulang Dalaw na pinagbibidahan ng kontrobersyal na aktres.
Horror movie ito na dinirek ni Joven Tan at tampok din sina Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Kristel Fulgar, Mon Confiado, Matet de Leon at Alvin Patrimonio (na muling sinubukan ang pag-aartista). 
Nu’ng nagpatawag sila ng presscon sa Scenema Concepts nu’ng Biyernes, akala namin ay gimik lang ang kuwento nilang may lumabas na multo sa isang eksenang kinunan nila.
Eksena iyun nina Glydel at Tonton na nag-aaway nang biglang may dumungaw na ulo ng isang bata na medyo kulot ang buhok.
Dalawang beses itong dumungaw sa may pinto pero ulo lang ang nakikita. Walang nakikitang anino ng katawan sa capiz shell na nakatakip sa pintuan.
Nang lumabas sa pintong iyun si Glydel, makikita mo ang anino niya, pero itong sa batang dumungaw ay ulo lang at walang katawan.
Nakakapangilabot nang ipinakita at ipinaliwanag ito sa amin ng editor ng Scenema Concepts.
Naniniwala silang multo iyun dahil ang dami nilang naramdaman nu’ng nagsu-shooting sila sa abandoned house na iyun sa Cavite.
Ginawa namin ang kuwentong ito sa Startalk at nu’ng ini-edit namin ito, may isang spirit questor na nandu’n at pinanood ang naturang eksena.
Totoong multo raw iyun ng isang batang lalaking Kastila. Hindi lang daw multo ng bata ang nakikita niya sa eksenang iyun kundi meron pa raw malapit sa kinauupuan ni Tonton, pero hindi namin nakikita.
Naniniwala siyang punung-puno ng mga espiritung ligaw ang bahay na iyun at maaring nabulabog daw sila kaya nagpapakita ang mga ito at nagpaparamdam sa mga taong nag-shooting doon.
Wala si Katrina sa presscon nitong pelikula niyang Dalaw pero balak nilang bigyan ito ng solo niyang presscon kapag nakahanda na siyang humarap muli sa movie press.
Sana, pumuwede na raw ito si Katrina bago sa showing ng Dalaw sa Hunyo 3.
***
Naawa kami kay Ian de Leon nang nakatsikahan namin sa presscon ng pelikulang Tutok.
Halatang nami-miss na niya ang kanyang ina (Nora Aunor) na pinag-uusapang babalik na raw rito bago matapos ang taong ito.
Tinawagan daw niya si Nora nu’ng Mother’s Day pero batiin pero nabigo siya.
“Sinubukan ko siyang makontak that time kaya lang nagbago na yata ‘yung number niya eh. ‘Yung number na meron ako, ‘yun ‘yung number na ginagamit ko para makontak siya pero hindi ko siya makontak during that time.
“Pati ‘yung email yata, kasi nag-email din ako sa kanya, pero wala pang reply,” kuwento ni Ian.
Nu’ng nakausap si Ian ng Startalk sa presscon ng Tutok, doon na lang niya ipinarating ang kanyang pagbati ng belated Happy Mother’s Day at doon na rin niya binati ng Happy Birthday.
Balak ni Ian na umalis ng Amerika pero gusto raw sana niyang maisama ang bunso niyang kapatid na si Kenneth dahil alam niya nami-miss din iyun ng mommy niya.
***
Doon din sa presscon ng Tutok ay sinagot ni Allen Dizon ang napabalitang mga dati niyang kasamahan sa Viva Hotmen ang rumaraket ngayon sa Macau.
“Kung saan sila masaya, wala akong magagawa du’n, eh. Du’n sila kumikita, eh. Mahirap ang buhay ngayon, wala namang masama siguro sa akin kung ganu’n, kasi, ano ‘yun eh, kailangan nilang mabuhay, eh.
“Kailangan nilang mag-survive,” pahayag ng aktor.
Wala pa raw nag-aalok sa kanya na rumaket sa Macau, pero sa kalagayan ngayon ni Allen, tiyak na tatanggi na siya dahil maganda ang resulta ng pagpu-produce niya ng pelikula.
Itong Tutok ay kinuha raw siyang artista, at wala raw siyang kinalaman sa produksyon nito.
Magsu-showing na ang Tutok sa Miyerkules sa Robinson’s Galeria, Robinson’s Ermita, Robinson’s Metro East, Cinerama, Remar, Gotesco Grand, Gotesco Ortigas at Ultra Vistarama (Cebu).
May meet-and-greet event ang ilang artista ng Tutok sa Miyerkules nang 6:00 PM sa Robinson’s Galeria Movieworld.
Mapapanood ang trailer ng Tutok sa YouTube.
|