KAHIT sobrang late na dumating ang Pambansang Kamao sa victory party na ibinigay ng GMA 7 network sa New World Renaissance Hotel sa Makati City ay successful pa rin at hindi naiinip ang mga tao dahil sa dami ng nagbigay-aliw.
Nang dumating si Pacquiao ay nabuhayan ang lahat ng tao and as usual ay panay-panay ang kodakan at pagpapa-autograph. 
Kasama ni Pacman ang maybahay na si Jinkee Pacquiao pero hindi na ito umakyat sa ballroom dahil masama raw ang kanyang pakiramdam.
Sa coffeeshop na lang ng hotel siya nagpalipas ng oras habang katsikahan si Claudine Barretto.
Sa gabing iyon ay muling pumirma ng kontrata si Manny Pacquiao for another two years with GMA 7 na dagdag sa existing contract niya with GMA 7.
Naging witness din si Manny sa kontrata ng GMA 7 at Solar Sports sa patuloy na partnership ng dalawa sa mga pagpapalabas ng mga darating na laban ni Manny Pacquiao at sa iba pang sports-related programs.
Kaya dapat alam ito ng mga gusto pa ring sungkitin ang serbisyo ng pambansang kamao na makuha nila ang pagpapalabas ng mga laban nito sa mga darating na panahon.
***
Nitong Sabado ay nag-pictorial na si Jinkee Pacquiao for Belo Medical Medical Group as their new endorser.
Bagay na bagay si Jinkee na maging Belo endorser sas ganda nito.
Ginanap ang pictorial sa isang studio sa Makati habang si Manny ay nagsu-shoot ng komersyal.
***
Nakatakdang ang buong pamilya ni Manny para magbakasyon sa Australia sa katapusan ng Mayo.
Tatagal sila roon hanggang first week of June bago sila tumulak pa Amerika for a special engagement.
Sobrang hectic ang schedule ng Pambansang Kamao. Iniimbitahan din si Manny na sumakay sa float sa isang Independence Day celebration ng Filipino community sa New York City.
***
Walang may kagustuhan sa sinapit ni Richard Gutierrez at walang dapat sisihin. Isa itong aksidente na wala sa kontrol ng mga tao.
Kung titingnan natin ang warak na warak na sasakyan ni Richard ay walang mabubuhay na pasahero.
Sabi ni Annabelle Rama ay second life ito ni Richard at oras na ni Nomar Pardo.
Iniligtas ng Panginoon si Richard dahil marami pa sigurong misyon ang leading man ng Zorro dito sa mundo.
Lagi na lang naming iniisip na may rason ang lahat ng mga nangyayari at Diyos lang ang nakakaalam. Siya ang gumuguhit ng kapalaran ng bawat tao.
Tayong mga tao ay huwag dapat bibitaw sa grasya ng Panginoon at magnilay-nilay sa mga ganitong sitwasyon. Isipin natin kung bakit nangyayari ang mga ganito.
Lagi nating pagkakatandaan na ang dasal ay mabisang sandata at malaki ang paniniwala namin dito dahil malaking bagay sa buhay namin ang pagdarasal.
Subukan ninyo ‘yan at mararamdaman ninyo ang kapayapaan sa inyong puso.
Hindi kami nagpapakareliyoso. Totoo lang ang sinasabi namin.
Suggestion ko na rin sa GMA 7 na magdaos ng isang misa ng pasasalamat sa pagkaligtas ni Richard sa malagim na aksidenteng ito, at matapos na o maibsan ang mga problema sa showbiz.
***
Nakakaloka naman ito at aakyat sa bundok ang taong walang paa, at isang binata ang iinom ng gatas bago pasisiritin sa mata. Ano ba ‘yan?!
Totoo ang mga ito at mapapanood natin sa Ripley’s Believe It or Not ngayong gabi sa GMA 7 kung saan si Chris Tiu pa rin ang host.
***
Masuwerte si Victor Aliwalas na kahit hindi gaanong magaling mag-Tagalog ay maraming projects na dumarating.
Matiyaga kasi siya at walang reklamo sa mga ibinibigay na trabaho.
Nag-e-enjoy siya sa pag-aartista kahit nami-miss niya ang kanyang mga kaibigan sa upstate New York kung saan siya lumaki at nag-aral.
Kinaiinggitan siya ng kanyang mga kaibigan dahil nakikita ng mga ito sa magazines ang mga magagandang artistang nakakatambal ni Victor sa iba’t ibang programa sa GMA 7.
Kapag libre si Victor ay umuuwi siya sa Amerika para bisitahin ang pamilya at mga kaibigan.
May mga kaibigan na rin daw siya rito pero wala pa siyang girlfriend. Lumalabas lang daw siya on dates sa iba’t ibang babae.
Wala raw mga bading na nagpaparamdam sa kanya dahil alam daw na sa Amerika siya lumaki at iba ang kultura ng mga lumaki roon.
Kasama si Victor sa SRO Cinemaserye presents Suspetsa na magsisimula sa Huwebes nang gabi sa GMA 7.
|