|
|
ENTERTAINMENT
Actor-politician, inilaglag ng running mate mate Tahimik lang ang isang actor-politician pero kinawawa pala ito ng kanyang running-mate sa katatapos na eleksyon. Ayon sa isang malapit sa actor-politician ay lantaran ang ‘paglaglag’ dito ng kanyang running-mate kaya hindi ito pinalad na magwagi sa tinakbuhang posisyon sa gobyerno. Garapalan ang ‘pang-iilalim’ ng running-mate sa actor-politician. Sa mga ipinamigay nitong polyetos nu’ng kampanya, imbes na ang pangalan ng actor-politician ang nakalagay ay ‘yung kalaban ng actor-politician ang nakasulat doon. Maging sa mga politicial sorties nila ay halatang sinasadya ng malditong running-mate na huwag bigyan ng ‘moment’ ang actor-politician. Pinagsasalita muna ang lahat ng kandidato at pinauuna ang lahat ng performers. Isinasalang si actor-politician nang mga 2:00 or 3:00 AM na karamihan ng mga tao ay nagsiuwi na kaya wala nang nakikinig kay pobreng actor-politician. Ang paniwala ng mga kaibigan niya ay insekyur ang nasabing running-mate dahil mas kilala at maraming fans ang actor-politician. Bago ang eleksyon ay maraming kumumbinsi kay actor-politician na tumakbo sa mas mataas na posisyon pero pinili niyang huwag kalabanin ang kanyang running-mate at sa halip ay kumandidato siya sa posisyon na pumapangalawa lamang dito. Ang nangyari ay winalanghiya siya ng running-mate niya na itinuring niyang kaibigan at malaki ang nagawa nito sa kanyang pagkatalo. Ang masaklap pa, ang tumalo kay actor-politician ay natuklasan umano na may foreign citizenship at hindi raw isang lehitimong Pilipino. Kung totoo ito at hahabulin ng actor-politician ay malaki umano ang laban niya. Pero mukhang maagang tinanggap ng mabait na actor-politician ang kanyang pagkatalo at mas gusto niyang manahimik na lang dahil wala kaming naririnig na anumang protestang isinampa niya laban sa tumalo sa kanya. *** "This baby kills, but can anyone kill this baby?" ang tagline ng hit horror flick na Tiyanak nu’ng 1988. Tampok sa pelikulang ito ng Regal Films sina Janice de Belen, Lotlot de Leon, Carmina Villarroel, Matet, Chuckie Dreyfuss at Mary Walter, sa direksyon nina Peque Gallaga at Lore Reyes. Matapos ang halos dalawang dekada ay ibinabalik ng Regal Entertainment ang kahindik-hindik na istorya ng pumapatay na sanggol sa Tiyanaks ni Direk Mark Reyes. Hindi ito remake ng 1988 version kundi bago ang istorya, mas maaksyon, mabilis ang pacing at mas maraming special effects. Kaya naging Tiyanaks ay dahil kung dati ay isa lang, ngayon ay tatlo na ang ‘anak ni Janice’ dito -- meron sa lupa, sa tubig at sa hangin. Sina Jennylyn Mercado, Mark Herras at JC de Vera ang bida ng Tiyanaks. First horror movie ito ni Direk Mark at hindi sila nag-shooting sa siyudad. Ang location nila ay puro sa mga gubat, kuweba at haunted na lugar sa probinsiya. *** Tampok ang one-on-one interviews ni Tito Ricky Lo kina Orlando Bloom at Chow Yun-Fat mamaya sa episode ng The Ricky Lo Exclusives (8:30 PM sa QTV-11). Sina Orlando at Chow ay mga bituin ng Hollywood movie na Pirates of the Caribbean: At World’s End kasama sina Johnny Depp, Keira Knightley at Geoffrey Rush. Ngayong araw na ito ang showing sa ‘Pinas ng inaantabayanang third installment ng successful Pirates movie series. Record-breaking ang Pirates of the Caribbean: Dead Man’s Chest nu’ng 2006 at ito pa lamang ang ikatlong pelikulang kumita ng P1B sa takilya worldwide, kasunod ng Titanic (1997) at Lord of the Rings: The Return of the King (2003). Tulad ng Spider-Man 3 ay walang advance screenings at press previews ang At World’s End, pero may blocked screenings ang Buena Vista na inilaan para sa press at VIP friends ngayong araw na ito. *** Kahit wala silang kissing scenes ni Sen. Jinggoy Estrada sa pelikulang Katas ng Saudi, ipinagmalaki sa amin ni Ms. Lorna Tolentino na malakas ang ‘screen chemistry’ nilang dalawa. Hirit niya, malamang kabugin ng LT-Jinggoy tandem ang loveteams nina Kim-Gerald, Shaina-Rayver at Bea-John Lloyd, sabay tawa! Kasama sa ‘think tank’ ng nasabing pelikula si Ms. LT at isa siya sa mga unang nagbasa ng script. Noong nagka-casting na sila ay panay hindi pwede ang mga aktres na naisip nilang gaganap bilang leading lady ni Jinggoy. Nabanggit niya ang mga pangalang Maricel Soriano, Dawn Zulueta at Ruffa Gutierrez na pawang hindi puwede. Hanggang sa mapunta sila sa mga Toni Gonzaga, Mariel Rodriguez, Bea Alonzo at Anne Curtis, na hindi rin pwede dahil ang babata pa para maging misis ni Jinggoy at maging nanay nina Shaina, Arron Villaflor at Julian Estrada sa istorya. Ang ending ay kay Ms. LT napunta ang role. Wholesome daw ito kaya walang kissing scene at hindi niya rin ma-imagine na kahalikan si Jinggoy. Baka ma-take 20 lang daw sila dahil tiyak na magtatawanan sila at magtatalsikan ang mga laway nila sa katatawa. Ang 2006 MMFF entry na Mano Po 5: Gua Ai Di ang last movie ni Ms. LT. Hindi na raw niya maalala kung ano ‘yung last movie niya na may kissing scene siya! |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|