Editorial

Spy on the Job

For the record


 

OPINION

Ipasa-Diyos si Abalos


Kung pagbabatayan ang poll exit at media quick counts, anim hanggang siyam na kandidato ng Genuine Opposition (GO) sa senatorial race ang papasok sa Magic 11 kaya’t huwag ipagtaka kung magsumbong sa international human rights group ang Team Unity (TU), aba’y posibleng magpakilalang biktima ng ‘summary execution at judicial killings’ sa senatorial race ang administrasyon. Nasaan ang ipinagmamalaking ‘12-0’ ng dalawang kampon ni Gloria na sina Eastern Samar Gov. Benjamin Evardone at Tonypet Albano, maliban kung nasobrahan sa gasolina kaya’t nalunod ang makina. Huwag n’yong sabihing nandaya ang oposisyon?

Ngayong pinapakain ng alikabok sa canvassing ang TU candidates, isang malaking tanong kung kaninong bulsa napunta ang makinaryang ipinagmamalaki ng administrasyon, maliban kung naisubi at naitago ng maayos ang pondo bago sumapit ang May 14 election kaya’t hindi nakapag-deliver ang mga counterpart sa local level. Ni sa paniginip, ayokong isiping sangkot sa ganitong raket ang dalawang kampon ni Gloria, maliban kung nasilaw na rin sa pondo kaya’t tinalikuran ang pagiging dakila at respetadong tao?

Kung anim hanggang siyam ang pumapasok sa Magic 12, ibig sabihin makailang-beses nagsinungaling sa harap ng taongbayan ang dalawang kampon ni Gloria dahil paulit-ulit ang pagmamalaking ‘wawalisin’ ng GMA-Team ang oposisyon. Sabagay, sanay naman tumanggap ng ‘sorry’ ang sambayanan, not once but twice, katulad ng nangyari sa Hello Garci scandal. Hindi ba’t nadiskubre pa ng biyuda ni Da King na magkapatid pala sa tunay na buhay ang "sinungaling at magnanakaw", eh kaanu-ano kaya nina Evardone at Albano ang dalawang tinutukoy ni Susan Roces, hindi naman siguro apo?

***

Ika nga ni dating Pangulong Joseph "Erap’ Estrada, ito’y ‘weder-weder lang’ kaya’t payo ng mga ka-tropa sa Upper House, mas makakabuting ipasa-Diyos ni Cong. Alan Cayetano ang panggigipit na natikman kay Comelec chairman Benjamin Abalos, eh hindi naman habambuhay nasa komisyon ang opisyal at marami pang kapamilyang sasabak sa eleksyon lalo pa’t tumanda sa ganitong trabaho ang pamilya nito. Kahit itanong n’yo pa kay ex-Pagcor chairman Butch Tenorio, alyas Steven Seagal na nagdiriwang ng kanyang kaarawan kahapon kaya’t nagpa-children’s party sa Greenhills!

Lubha pang napakabata sa pulitika ng anak ni Abalos para masira sa publiko-si Mandaluyong Cong. Benhur Abalos- ngayo’y nananalong alkalde ng lungsod, kapalit ni Mayor Neptali "Boyet" Gonzalez. Ang tanong ng mga naglipanang kurimaw sa Comelec: Paano kung maiba ang ‘bangka’ pagkatapos ng 2010 national election at sapitin din ng kanyang anak ang panggigipit na natikman ni Alan, hindi kaya lalong dumami ang kulubot sa mukha ni Mr. Abalos? Ngayon pa lang, huwag ipagtaka ng publiko kung maghanap ng ibang "Abalos" sa Mandaluyong ang oposisyon na maaaring patakbuhing mayor sa 2010 election at gamitin ding alyas ang "Benhur" para matauhan ang mag-amang ito.

Keysa pag-initan si Alan, bakit hindi kastiguhin ni Mr. Abalos ang maagang pangangampanya ni Senador Manuel Araneta-Roxas III, as in MAR for short, katulad ng last minute political advertisement bago sumapit ang May 14 election gayong 2010 pa naman mapapaso ang termino nito, aba’y daig pang lehitimong kandidato ng Team Unity (TU) at Genuine Opposition (GO) ang arrive sa national television. Teka lang, paano naging "Mr. Palengke" ang boypren ni Korina Sanchez, eh lumaki sa Farmers Plaza, hindi sa Divisoria Market ito?

Ang nakakasuka lamang, hindi pa rin magawang magbago ng estilo ni Abalos gayong nabalutan ng "Hello Garci scandal" ang kanyang lamesa noong 2004 election at ngayong malapit nang magretiro, hindi pa rin magawang ibangon ang imahe ng Comelec sa pamamagitan ng pagiging patas sa kaso ni Alan. Kahit sinong rugby boys sa harapan ng Mandaluyong City Hall o kaya’y pasyente ng National Mental Hospital ang tanungin, hindi maniniwalang may kakayahang makapangampanya sa buong Pilipinas ang ‘pirated copy’ ni Alan na si Joselito Cayetano, alyas Juju, maliban kay Mr. Abalos na lumalabas pang kinakasangkapan ng taong busilak ang kalooban na si First Gentleman Mike Arroyo.

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top