|
FOR THE RECORD Ni Bernard Taguinod
|
OPINION
Nagtiwala ang TU Masyadong nagtiwala ang Team Unity (TU) sa kanilang makinarya pero lumalabas na nag-overheat ang kanilang makina bago pa man sumapit ang karera sa finish line. Nagkatotoo tuloy ang mga survey na walang ‘command votes’ as in hindi na pinapakinggan ng mga botante ang utos ng kanilang mga lider sa iba’t ibang lalawigan kung sino ang dapat iboto sa senatorial race. Hindi kaya naisip ng TU na ang mga local officials na kanilang ipinagmamalaki ay isinusuka ng mga botante sa kani-kanilang lugar kaya anumang sabihin ng mga ito ay hindi na sinusunod lalo na’t eleksyon? Aminin man ng TU o hindi, kaya lamang kumakapit ang mga local officials sa kanila ay dahil kailangan ng mga kandidatong ito ang pera ng Malacañang at nangangako ng lupa’t langit sa kanilang mga senatorial candidate. Alam siguro ng TU ang katotohanang ito dahil matagal na rin naman sa pulitika ang nagpatakbo ng kandidatura ng mga senatorial candidate ng administrasyon pero nagkukunwari lamang. Saka pansin ko ha, ang unang nag-trending simula ng kampanya ay ang TU dahil simula’t simula pa lamang ay sinasabi na nilang mawawalis nila ang 12 upuan sa Senado as in bobokyain nila ang oposisyon. Kaso sa mga survey at maging sa mga quick count, mukhang bigo ang TU sa kanilang 12-0 dream dahil nangunguna pa rin ang Genuine Opposition (GO) candidates. Masama ang loob ng TU dahil nagti-trending daw ang mga TV stations dahil sa pangunguna ng GO sa kanilang mga quick count. Eh sino ba ang unang nag-trending? Hindi ba sila dahil sa kanilang 12-0 dream. Binangungot nga lang. Kumusta na kaya si Ike Gutierrez na nasipa sa TU kaya ang mga galamay ni Gov. Ben Evardone ang nag-take-over? Hindi pala nakukuha sa dami ng mga tao ang pangangampanya. *** Nais nating papurihan ang mga taga- General Santos City kung saan tumakbo ang boxing champ na si Manny Pacquiao laban sa kinakapatid nitong si Cong. Darlene Antonino. Bakit natin pinapupurihan? Ito ay dahil sa ipinamalas nilang talino sa pagpili ng kanilang ibinoto kung saan liyamado ayon sa inisyal na ulat ng bilangan si Antonino. Ibig sabihin ng resulta ng botohan sa GenSan na bagama’t hindi pa pinal ay nag-isip ang mga taga-GenSan. Hindi sila nagpadala sa popularidad ng kandidato. Ang hindi pagtanggap ng mga taga-GenSan kay Pacquiao sa mundo ng pulitika ay magsilbi sanang leksyon sa iba pang sikat na personahe sa ating lipunan na hindi kumo’t sikat ka ay maaari ka nang sumabak sa kung saang larangan mo gusto lalo na sa pulitika!
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|