|
Oposisyon inaalaat sa congressional race SC kumilos na sa Cayetano case
|
TOP
STORIES
DAGDAG-BAWAS NANGANGAMOY NA Nina Rey Marfil at Boyet Jadulco Naaamoy na ng Genuine Opposition (GO) ang pagsikad ng dagdag-bawas operation ng administrasyon matapos mabitin ang bilangan ng boto sa pagka-senador sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao. Sinabi ni GO senatorial candidate Alan Cayetano na base sa nakarating na impormasyon sa headquarters ng GO, maraming lugar sa Visayas at Mindanao ang pansamantalang ibinitin ang bilangan ng boto sa pagka-senador upang tapusin umano ang bilangan sa local elections. "Diyan na mag-uumpisa ang pagmamasahe nila ng boto," ani Cayetano. Dahil dito, tinututukan ng GO ang mga lugar kung saan hinihinalang nagkakaroon ng dagdag-bawas. Ang mga lugar na ito ay yaong walang kandidato sa local level ang oposisyon at pawang mga kandidato ng administrasyon ang naglalaban. Hawak ng GO ang election returns (ERs) ng Liberal Party (LP), ang partidong kaalyado ng oposisyon at binigyan ng akreditasyon ng Commission on Elections (Comelec) bilang dominant minority party, upang maging batayan sa kanilang sariling pagbibilang ng boto. Samantala, nagpahayag naman ng pangamba si GO spokesman Atty. Adel Tamano na posibleng tapikin ng Malacañang ang serbisyo ni dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano upang magsagawa ng pagmamasahe ng boto sa ilang lugar sa Mindanao. Aniya, kahina-hinala umano ang biglang pagsuko ni Garcillano sa congressional race sa first district ng Bukidnon at pinaniniwalaang kinailangan na nitong sumaklolo sa namimiligrong mga kandidato ng Team Unity (TU). Ganito rin ang naging pahayag ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. matapos makatanggap ng ulat na nagsisimula nang gumalaw ang mga katropa ni Garcillano sa Mindanao para ipanalo ang mga nangungulelat na kandidato ng Team Unity (TU), patunay ang pagdating sa Davao ng mga operators na kilalang maimpluwensya at malalapit sa mga opisyal ng Comelec. "I have just received information that operators identified with the Comelec arrived in Davao Tuesday. They are farming out to Davao and other Mindanao provinces to cause delay in the canvass of the votes to save TU bets from massacre," ani Pimentel. Kinakabahan si Pimentel sa maaaring kaharapin ng kanyang anak na si Koko Pimentel, isa sa kandidato ng GO, matapos magsimulang gumalaw ang mga ka-tropa ni Garcillano sa mga lugar na deklaradong failure of election. "Garcillano’s concession of defeat in the Bukidnon Congressional race this early is not a sign of sportsmanship but an offer of this availability to work for Team Unity bets means, fair or foul of which he has the expertise," ani Pimentel. Samantala, sa pinakahuling mensaheng natanggap ng TONITE, nagsimula na umanong magsagawa ng kakaibang pagkilos ang mga operator ng Malacañang sa Lanao Del Sur at Marawi City kung saan saklaw ang 25 munisipalidad sa isinagawang canvassing. Mismong tauhan ng PNP-ARMM Regional Command umano ang nagbabantay sa canvassing sa Marawi City kung saan 130 tauhan mula sa Regional Mobile Group ang pumasok sa pinagdarausan ng bilangan kahit mahigpit na ipinagbabawal ito. Sa report, pinagbawalan pang makapasok sa loob ng canvassing area ang mga poll watchers ng GO at ipinag-utos ng tumatayong team leader ng PNP-ARMM sa Board of Election Inspector (BEI’s) ang pagpapatuloy sa pagbibilang. "News from Lanao del Sur, Marawi City, 25 muni-cipalities counting and canvassing is centralized here in Marawi City. The PNP-ARMM Regional Command sent 130 men of the Regional Mobile Group and controlled everything. Disregarded jurisdiction of the local police in this area. Prevent the entrance of watchers. And allowed the BEI’s to continue counting," mensaheng ipinadala ng source ng TONITE. Kaugnay nito, pinangangambahan din ang pag-o-operate ng dagdag-bawas sa Cavite, Laguna, Bulacan, Pampanga at Quezon City dahil ang mga ito ay ikinukunsiderang may malalaking bilang din ng botante.
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||||
|
|