|
|
EDITORIAL
Walang katapusang karahasan Tulad ng inaasahang senaryo pagkatapos ng halalan, kaliwa’t kanang protesta ang matutunghayan. Mga protestang kumukuwestiyon sa resulta ng halalan na ikinasa ng mga talunang kandidato sa iba’t ibang panig ng bansa. Hindi na nga bago sa ating pandinig ang ganitong pagkilos dahil tuwing matatapos ang eleksyon, protesta ang isinasalubong ng mga minalas na kandidato bitbit ang alegasyog pandaraya. Sabagay rito sa Pilipinas wala naman talagang natatalo tuwing eleksyon dahil ang kadalasang sigaw ay dinaya kaya’t talunan. Ang ganitong kaisipan ang lalong naglulugmok sa ating bansa. Dahil sa hindi pagtanggap ng pagkatalo ng isang partido, mas matinding kaguluhan ang namamayani na nagsisilbing sagabal sa maayos na takbo ng isang pamahalaan at kalaunan ay nakakaapekto na sa pag-usad ng ating ekonomiya. Nakakauyam na ang ganitong kaganapan sa larangan ng pulitika, dahil kung hindi nagpapatayan o nag-uubusan ng lahi bago mag-eleksyon, bangayan naman pagkatapos ng eleksyon. Hindi dapat manatiling makitid ang pananaw ng mga pulitiko at maging ng taumbayan sa eleksyon. Hindi kailangang sa karahasan o gulo humantong ang lahat. Ang kailangan ay pagkilala o pagrespeto sa anumang resulta ng halalan. Kung may kuwestiyon o protesta, mas mabuting isapormal ang reklamo sa nararapat na ahensya ng pamahalaan hindi iyong lilikha ng panibagong problema para makaperwisyo. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|