May 11, 2010 Tuesday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
   
SEARCH Abante-Tonite
   
    HEADLINES
   
   
   
    SPORTS
    GREETINGS
    FEATURES FEATURES FEATURES
   
For your e-paper registration & subscription just click on the image below
   
   
Abante Online
 
CRIME NEWS
 
PATAYAN, BOMBAHAN, SUNUGAN AT VOTE BUYING SA ELECTION DAY
(JB Salarzon/Irwin Corpuz/Richard Buenaventura/Nonnie Ferriol/Aries Cano/Jun Tadios)

Bagama’t naka-heightened alert ang kapulisan at militar sa buong bansa para sa seguridad ng makasaysayang nationwide automated elections sa Pilipinas, nagkaroon pa rin ng mga insidente ng patayan, bombahan, panununog ng eskuwelahan o voting precinct at insidente ng vote buying, ayon sa ulat ng mga awtoridad kahapon.
Patay ang isang retiradong police colonel na chief of staff umano ng isang dating kongresista na kumakandidato muli sa nasabing posisyon habang dalawa pa ang sugatan sa naganap na barilan sa harapan ng isang police station sa Bgy. Talaba 3, Bacoor, Cavite kahapon ng hapon.
Ayon kay Sr. Supt. Primitivo Tabujara, Cavite provincial police director, naganap ang barilan dakong alas-2:30, ilang minuto matapos dumating ang apat na kalalakihang armado.
“Inagaw ng security escort ni dating congressman Plaridel Abaya ang baril ng isa sa ating pulis at siya’y pinaputukan,” ani Tabujara sa interview sa kanya sa telepono ng Abante TONITE.
Hindi sinabi ni Tabujara kung naroon mismo si Abaya na mahigpit na kalaban ni Lanie Mercado, may-bahay ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa congressional election sa Bacoor.
“Tatlo sa armadong lumusob ay nakauniporme ng Navy. Isa sa kanila ang uma­gaw sa baril ng ating pulis at siya na rin ang pumutok sa pulis,” ani Tabujara.
Dahil dito, gumanti ng putok ang iba pang pulis na naroroon sa presinto na nagresulta sa ilang segundong putukan. Paghupa ng putukan ay nakabulagta na si Neil Flores Obillos, ang retiradong police colonel at chief of staff ni Abaya.
Patuloy pa umano ang imbestigasyon para malaman ang dahilan ng insidente.
Sa Bgy. Slogon, Brookes Point, Palawan: Patay ang isang lalaki matapos magbarilan ang magkakalabang tagasuporta ng dalawang kandidato sa pagka-mayor kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ni Sr. Inspector Siverio Bacsa, hepe ng Brookes Point Police, kinilala lamang ang naawi sa apelyido na Abisa na tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ayon kay Bacsa, naganap ang barilan dakong alas-tres ng madaling-araw nang magkasalubong ang dalawang grupo na base sa imbestigasyon ay mula sa kampo nina mayoralty candidates Isnain Pisingan at Ton Quitain.
Sinabi ni Bacsa na unang nagpaputok ang mga tagasuporta ni Quitain.
Sa Marikina City: Dahil lamang sa pagbi-video sa mga bumuboto ay muntikan nang magkabukul-bukol ang pagmumukha ng dalawang mediamen na pinagbawalan sa kanilang ginagawa ng mga supporter ng isang pulitiko kahapon ng umaga.
Dumulog sa Marikina City Police Station ang mga biktima na nakilalang sina Rexor Garcia, reporter ng DZAT, residente ng Pali­paran, Sto. Niño, Marikina at ang kanyang kasamang si Arnel Espanola, taga-Rodriguez, Rizal.
Nangyari umano ang insidente dakong alas-9:45 ng umaga sa San Roque Ele­mentary School at naawat lamang ang ilang kalalakihan na sumugod sa kanila nang mapadaan ang mga nagpapatrulyang pulis kaya nasaklolohan sina Garcia.

BOTOHAN BINOMBA

Sa Bgy. Camilo Osias, Balaoan, La Union: Apat na botante ang nasugatan sa pagsabog ng improvised explosive device malapit sa isang polling precinct kahapon ng umaga.
Ayon kay SPO3 Frederic Opena ng Balaoan Police, inilagay ang suma­bog na bomba sa tabi ng hallway malapit sa isang comfort room sa San Nicolas Academy bago mag-alas-siyete ng umaga.
Nasugatan sa pagsabog sina Milagros Martin, 57; Monalyn Cuaresma, 30; Crispin Odejas, 35; at Pris­cilla Rosimo, 59.
Hindi naman naging hadlang ang insidente upang `di matuloy ang botohan.

SCHOOL SINUNOG

Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang panununog ng mga `di pa kilalang kalalakihan sa Cadoldolan Elementary School sa Miag-ao, Iloilo kahapon.
Sa kabila nito, sinabi ni Education Secretary Mona Valisno na bigo pa rin ang mga arsonista sa pakay nilang mapigilan ang botohan doon dahil itinuloy pa rin ang eleksyon matapos na mapalitan agad ang nasunog na Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine.
Nasunog din ang isang silid-aralan sa Sipocot South Central Elementary School sa Sipocot, Camarines Sur subalit nilinaw ni DepEd Assistant Secretary Jonathan Malaya na isang aksidente lang umano ang naganap at walang kinalaman sa eleksyon.
Hindi rin umano naantala ang halalan sa nasa­bing paaralan.

TODAS SA VOTE BUYING

Patay ang isa sa dalawang magkapatid makaraang ratratin ng dalawang lalaki na nag-alok umano na bilhin ang boto ng mga biktima sa Sitio Pakalat, Bgy. Munting Tubig, Ibaan, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Agad namatay ang biktimang si Ronnie Madera y Mangao, 22, may-asawa, tubong-Pola, Oriental Mindoro at residente sa nasa­bing lugar.
Ligtas naman sa pa­nganib sa kabila ng tinamong tama ng bala sa hita na tumagos sa kanang pisngi ng puwetan at kanang paa ang kapatid ni Ronnie na si Raygan, 18.
Samantala, sa partial monitoring (alas-12:00 ng tanghali kahapon), ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), nangunguna umano sa tinanggap nilang reklamo ang talamak na vote buying mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay PPCRV chair Henrietta de Villa, mula sa Luzon, Visayas at Min­danao ang natanggap nilang mga reklamo ng vote buying sa mga komunidad at ilan sa mismong palibot ng polling precincts.

 

 

 
Place your ads here
Microsoft Internet Explorer 7
Microsoft Internet Explorer 7
Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT