‘Di pa lumilipas ang isang linggo at ‘di pa tayo napapagod sa balita ang Fil-Am na si Erik Spoelstra ang bagong head coach ng Miami Heat, eto pa’t may bagong magandang balita na pandagdag pride na naman sa ating mga Pinoy basketball fans.
Noong nakaraang Biyernes mapalad akong naging saksi ng isang matagumpay na tagpo sa kasaysayan ng Philippine basketball.
Ang isang interview ko lang dapat sa isang grupo na mag-uusap pa lang at magnenego pa ng mga kasunduan, ay naging isang makasaysayang pirmahan. Dapat ay mag-i-interview lang ako sa dalawang opisyales ng Singapore Slingers na naglalaro sa Australian Pro Basketball league na NBL o National Basketball League. Nangyari sa ganda ng usap-usapan, ay natuloy na sa pirmahan, at si Jason Castro, isang former NCAA at PBL MVP ay naging first Pinoy import sa isang Asia-Pacific Pro League.
Pansin ko ang konting kaba ni Jason dala na rin siguro ng unang beses palang n’yang maglalaro sa ibang bansa kasama ang mga player na ‘di n’ya kababayan. Pero ng kinausap ko s’ya, malumanay na pinapahayag n’ya na ‘di s’ya nape-pressure sa sitwasyon. Sabi pa nga n’ya na sa basketball tinuturuan daw sila na ‘i-embrace’ ‘yung pressure, kaya’t yayakapin na lang daw n’ya, at kakayanin n’ya.
Nakita si Jason ng Singapore Slingers players at staff sa dalawang pagkakataon ng maglaro ang Harbour Center team sa ilang mga invitational tournament at exhibition game. Mismong ang star point guard at team captain ng Slingers na ang Australyanong si Ben Knight ang nag-udyok na nang husto sa management na malaking pagkakamali pa raw kung pakakawalan nila ang pagkakataon na kunin si Jason. Paano ba naman, kinain daw ng buhay ni Jason si Knight ng magkalaban sila ng dalawang beses.
Ang Slingers ay ang kaisa-isang team sa NBL na based sa labas ng Australia, sa sitwasyon na ito, sila ang unang team sa buong mundo sa ano mang pro league sa buong mundo. Isang karangalan na kinailangan pa raw ipaalam ng Slingers Managing Director na si Bob Turner sa FIBA, na s’ya ring dating beteranong coach sa NBL.
Excited sina Turner ngayon sa kanilang bagong Asian import. Isang pribilehiyong sila lang ang pwede kumuha dahil ang ibang team sa NBL ay pwede lang kumuha ng 2 American import. Kumbaga bonus import ito maliban pa sa dalawang American import para sa expansion team na mula Singapore. Maliban sa mga import, ang Slingers ay mayroong walong Australiano sa team. Ayaw n’ya ng bangko, gusto n’ya ng pwede maging star. At sa katauhan ni Jason, nakakita na raw sila ng star. Sigurado pa nga sila na magiging starting point guard kaagad si Jason. At natutuwa sila na madaming Pinoy sa Singapore na inaasahan nilang magiging instant fans ni Jason.
Para sa akin isang dahilan kung bakit big deal itong pagsali ni Jason sa NBL, ay dahil malupit ang kompetisyon doon. Mismong si NBA commissioner David Stern ay nagsabi na ang NBL ay isa sa top 5 pro leaguer sa buong mundo.
A few years ago naging proud din tayo sa pagsali nina Vince Hizon at Bong Alvarez sa valleydogs team ng American Basketball Association, o ABA. Pero ang pinagkaiba ng sitwasyon nina Alvarez at Hizon kay Jason, ay si Jason ay wala pa nga sa peak ng career n’ya. 22 palang s’ya at mahaba pa ang career nito. Maganda ang nagawa nina Hizon at Alvarez na nakapasok sa liga na ‘yun at ‘di basta-basta na bangko at nagka-playing time pa talaga. Pero iba ang pakiramdam ngayon na may Pinoy import tayo sa isang bigatin na international na pro league na magiging bida kaagad, at malaki pa ang potensyal na gumaling pa. |