BOSTON (AP) --- Hindi pinaporma ng Celtics sa kanilang teritoryo si LeBron James na pinatahimik sa 12 points, nang itala ng Boston ang 76-72 win kontra Cleveland, sa Game 1 ng kanilang semifinal series sa Eastern Conference.
Ito ang pinakapangit na laro ni James, kung saan nagtatak lamang siya ng nakakadismayang 2-for-18 shooting.
Tatlong drives at isang 3-pointer sa huling minuto ng laro ang naimintis ni James, kabilang ang sana ay game-tying finger roll, 8.5 seconds na lang sa laro.
Sa isang play, walang depensa sa lane at nag-drive sa basket si James, iniunat ang kamay sa rim bago pinagulong ang bola sa mga daliri. Sablay.
Dalawang puntos lang ang nagawa niya sa second half, at mintis ang huling anim niyang tira.
Game 2 sa Biyernes (Manila time) sa Boston pa rin.
Tumapos si Kevin Garnett ng 28 points, pang-ayuda sa matamlay na gabi ng dalawa pa sa Big 3 ng Celtics na sina Paul Pierce at Ray Allen. Nag-ambag lang ng four points (2-for-14 shooting) si Pierce, habang 0-for-4 si Allen, unang pagka-bokya niya sa puntos sa 852 games sapul noong 1997.
“I missed a lot of shots I know I can make,” himutok ni James. “I missed layups. Those layups I’ve made my whole life.”
Kay James ang unang basket ng Cleveland, pero sablay na siya sa sumunod na 10 pukol bago ang driving layup na nagbaba sa kalamangan ng Boston sa 66-65, 5:34 pa sa laro. Humablot si James ng nine rebounds, namigay ng nine assists, pero may 10 turnovers.
Pagkatapos ng all-alone miss ni James, nakuha ni James Posey ang rebound at naipasok ang dalawang free throws para sa pinal na iskor. |