May 08, 2008 - Thursday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Sina Lolo Jose at Hello Garci!
Rey Marfil


Parang kailan lang, mistulang dagang nagtatago sa kanyang lungga si Garci, as in ex-Comelec Commissio­ner Virgilio Garcillano para matakasan ang paghahanap ng Kongreso pero ngayong nabaling ang isyu ng dayaan sa iba’t ibang eskandalo, animo’y nagpipiyesta ang ka-phone pal ni Mrs. Arroyo noong 2004 national election, aba’y naglamyerda ng nakaraang Labor Day at sangkatutak ang bodyguard nito. Kalokohan kung sariling bulsa ni Garci ang binubutas sa pasuweldo, eh wala naman itong trabaho at sino nga bang makikinabang hangga’t nakatikom ang bibig nito?
Nakaraang Mayo 1, naispatan ng Spy si Garci na kumakain sa isang restaurant sa ilalim ng Aloha Hotel. Hindi lamang kilala ng mga kurimaw kung sino ang kausap ng ka-phone pal ni Mrs. Arroyo habang kumakain ng lunch subalit masinsinan ang kuwentuhan sa malaking table. Ang nakakapagtaka, ilang tauhan ng Commission on Elections (Comelec) ang nadiskubreng nasa katabing lamesa ni Garci -- ito ba’y aksidente o merong ‘niluluto’ ang Comelec lalo pa’t nalalapit ang ARMM election, ma­liban kung merong inila-lobby na election protest?
Pagkatapos ng meeting, mas nakakagulat ang security ni Garci, aba’y walang binatbat ang isang government official sa dami ng nakapalibot, as in mas marami ang bodyguard kumpara sa mga pulis na nagbabantay sa selda ni Senador Sonny Trillanes sa PNP-Custodial Center. Sa unang tingin, mapagkakamalan pang isa sa pinakamataas na opisyal si Garci habang papalabas ng Aloha Hotel. Mabuti pa nga si Vice President Noli De Castro, mabibilang ang Presidential Security Group (PSG) na bumubuntot sa bawat aktibidades. Never mind si DILG Secretary Ronnie Puno dahil punung-puno ng ‘drama’ ang buhay kaya’t dumarami rin ang escort.
***
Napag-usapan ang Comelec, nakakatawa subalit nakakabahala ang resulta ng Senate hearing sa poll automation ng nakaraang linggo, aba’y nakalimutan ni Lolo Jose, as in Comelec Chairman Jose Melo kung kailan ang ARMM election. Maging sa loob ng men’s comfort room (CR), hindi malaman ni Lolo Jose kung paano maghuhugas ng kamay pagkatapos umihi dahil push button ang gripo at inakalang walang tubig ang buong Senado ga­yong maayos namang nagbabayad si Mr. ST Manny Villar ng renta kay aspiring senator Mang Inton, as in GSIS President Winston Garcia.
Kaya’t warning sa lahat ng presidentiables: tiyaking matutuloy ang 2010 election sa itinakdang panahon ni Big Brother, eh baka tapos na ang bilangan at proclamation ng mga nanalo, saka pa lamang magpapa-press conference si Lolo Jose para ianunsiyo kung sino ang kuwalipikadong tumakbo. Ang nakakadismaya lang, bakit hindi makahanap si Mrs. Arroyo ng batang Comelec chair gayong 7.4% ang unemployment rate o tambay ngayong 2008. Take note: kung nakakalimutan ni Lolo Jose ang petsa ng ARMM election ngayong 75 years old ito, eh ano pang mangyayari sa 2010 kapag nadagdagan ng da­lawang (2) taon ang edad nito?
Ayokong husgahan ang kakayahan ni Lolo Jose su­balit sa simpleng pagbukas ng tubig, hindi ma-gets na kailangang pindutin ang gripo, ano pa kaya sa poll automation o pagsasailalim sa computerization ng eleksyon lalo pa’t tumanda itong makinilya ang gamit sa pagtipa ng court ruling, memorandum of agreement (MOA) at sworn statement. Kaya’t hindi nakakapagtakang nagkasigawan ng ‘Damn You’ sa pagpapaligsahan ng laway sina Senador Dick Gordon at Cong. Teddy Boy Locsin kung makakalimutin ang kaharap sa hearing. Anyway, kalimutan ng lahat, huwag lang ang opening ng Media Sports League-Senator Bong Revilla Cup sa Mayo 10, araw ng Sabado sa Central Colleges of the Philippines (CCP), alas-8:00 ng umaga. Kaya’t kita-kits sa inter-beat basketball tournament!

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES