May 08, 2008 - Thursday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
PGMA ipinahiya ng sariling adviser
Gerry Baja


Kung totoo ang sinasabi ng Malacañang na walang masamang balak ang gobyerno sa Meralco at hindi mga Lopez ang target ng kampanya...
Kung ang totoong layunin lamang ng AKING MAHAL NA PANGULO ay maibsan ang paghihirap ng mga mamamayan sa mataas na singil sa kuryente...magsama-sama po tayo sa paghahanap ng tamang daan.
Mga opisyal at empleyado ng gobyerno, mga pulitiko, mga negosyante at mga pangkaraniwang mamamayan...tulungan natin ang pamahalaan sa paghahanap ng makatwirang paraan.
Kailangang kumilos ang lahat ngayong ang Pilipinas ay pumapangalawa sa Japan sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong Asya.
Ang Meralco ba ang tamang daan para mapababa ang singil sa kuryente? Kung ang tatanungin ay ang Pamilya Arroyo, ang sagot nila ay Opo.
Ang direktiba ni Ate Glo sa Department of Trade and Industry (DTI) na magsampa ng petisyon sa ERC laban sa Meralco ay patunay nito. Bukod pa diyan ang mga hayagang pagsasalita ng Pangulo tungkol sa mataas na singil ng Meralco.
Si Presidential son Congressman Mikey Arroyo ay kumbinsidong Meralco rin ang dahilan ng mataas na singil sa kuryente. At kung kailangan, palitan daw ang Meralco management para bumaba ang kuryente.
Sabi ng Chairman ng House committee on energy, “Whoever manages Meralco as long as it brings down the price of electricity and they are friendlier to the consumers is OK with me.”
***
Pero kung ang tatanungin ay ang pinagkakatiwalaang Economic Adviser ng Pangulo, hindi Meralco ang tamang daan sa mababang singil sa kuryente.
Ayon mismo kay Albay Governor Joey Salceda, kakarampot lang ang bahagi ng Meralco sa kabuuang presyo ng kuryente na sinisingil sa mga consumers.
Ang tamang daan sa murang kuryente ay ang mga Independent Power Producers (IPPs) na siyang pinagmumulan ng kuryenteng dinadala naman ng Meralco sa mga consumers.
Bukod sa mga IPPs ay malaking bahagi rin ng production ng kuryente ay nagmumula sa mga plantang pinatatakbo ng National Power Corporation (Napocor) o ng gobyerno.
Si Gov. Joey naman oo...sarap na sarap pa naman sa mala-Dos por Dos na hataw si Ate Glo sa Meralco eh bigla mong binuhusan ng tubig. Ibig po ba niyong sabihin Gov... mali ang pinuputakan ng AKING MAHAL NA PANGULO?
Mukhang sinermonan pa ng Presidential Adviser ang kanyang bossing sa sinabing... “singling out a business entity has a chilling impact on all the rest... that would be bad for business, the economy and the poor”.
Susmaryosep! Parang sampal sa mukha ang sinabi ni Governor Joey. Walang sinabi diyan ang mga katagang “Lucky Bitch”.
Sino naman kaya ang nagsulsol nito sa MAHAL NA PANGULO na naglagay tuloy sa kanya ngayon sa matinding kahihiyan? Palapit-lapitin nga ninyo dito.
***
Kung titingnan po ninyo ang inyong Meralco bill, malaking bahagi ng bayarin ay nasa “Generation Charge”. Ibig sabihin, sa IPPs at Napocor mapupunta. Mayroon ding “Universal Charges” sa ating bill na napupunta naman sa mga missionary electrification ng gobyerno at sa tinatawag na “stranded cost”.
Andiyan din ang “Trans­mission” na napupunta naman sa National Transmission Commission, isa pa ring sangay ng gobyerno.
Malaking porsyento rin sa bayarin sa kuryente ang “Government Tax” na alam na ninyo kung kanino, este saan napupunta.
Para kumita ang distribution company tulad ng Meralco, mayroong “distri­bution charge”. Ang nawawala namang kur­yente dahil sa init at pagna­nakaw ay sinisingil sa ilalim ng “System Loss”.
Kung sisipatin ninyong mabuti ang inyong Meralco bill, malaking bahagi ng ating binabayarang kuryente ay napupunta sa gobyerno. Sa generation (Napocor), sa transmission (Transco), Universal Charges at buwis.
Samakatuwid, mas ma­laki ang maibababa sa si­ngil sa kuryente kung iba­baba ng gobyerno ang kinu­kulekta nito sa kuryente.
Malaki ang kinita ng Meralco sa mga nakalipas na buwan (23%), baka naman pwede rin ka­yong mag-share sa pamamagitan ng pagbababa ng distribution charge.
Kung magbababa ng dis­tri­bution charge ang Meralco at sasabayan ng mas mababang tax at mas mababang singil ng Napocor...malaki ang pwedeng ibaba ng singil sa kuryente.
Ito ang tamang daan sa murang kuryente...walang away at walang mapapahiya...everybody happy.
gerrybaja@yahoo.com

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES