Sa patuloy na pagsirit ng langis sa world market, hinamon ni Sen. Manuel Roxas II si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tularan ang misis ni dating US President Bill Clinton upang magkaroon ng malayang talakayan sa buwis na ipinapataw ng gobyerno.
Ayon kay Roxas, chairman ng Senate committee on trade and commerce, kung anong tapang ni Democrats presidentiable at US Senator Hillary Clinton sa anumang debate laban sa katunggaling si Barrack Obama, ganito rin, aniya, ang dapat ipinakita ni Mrs. Arroyo.
Ngayong sumisirit ang presyo ng langis sa world market, pinakamagandang aksyon ng Malacañang, ayon kay Roxas, ang pagbubukas ng national debate sa 12% expanded value added tax (EVAT) sa lahat ng oil products.
“She should do a ‘Hillary’ instead of putting the brakes on every single proposal to reduce or remove VAT on certain products. Our people have long been entitled to this debate because it’s their money that is involved,” ani Roxas.
Mas makakabuting marinig sa bibig ni Mrs. Arroyo kung kanino kampi ang Malacañang sa pagtapyas ng EVAT o suspensyon ng buwis sa petroleum products.
Sina Clinton at Republican presidential candidate John Mccain ay nagkasundong magkaroon ng tax holiday kapag nanalong Pangulo sa November election, kabilang ang $5 na pagbabawas sa buwis kung kaya’t hinamon ni Roxas si Mrs. Arroyo na gayahin o tapatan ang aksyon ng mga ito.
“Removing the 12% VAT on oil likewise reduce the pump price of gasoline by five pesos and that of an LPG tank by at least P60. This will provide temporary relief to all sectors of society as they will now be able to purchase more food and other needs which the government will still be able to collect EVAT from anyhow,” ani Roxas.
|