Upang masiguro na hindi ang mga dayuhan ang makikinabang sa lupain ng Pilipinas, pormal na irerekomenda ng Kamara na ibasura nang tuluyan ang farm agreement sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ito ang siniguro ni House committee on agriculture chairman Abraham Mitra ng Palawan kaugnay ng 1.4 milyong ektarya ng lupain na ipaparenta ng Pilipinas sa China.
Bagama’t kaalyado ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sinabi ni Mitra na hindi dapat matuloy ang 19 farm agreement na pinasok ni Pangulong Arroyo sa mga Chinese businessmen dahil malaki ang magiging epekto nito sa food security ng bansa.
“Isasama namin (pagbasura sa kasunduan) iyan sa recommendation ng committee,” pahayag ni Mitra dahil mas kailangan ng mga Pinoy ang naturang lupain.
Ayon kay Mitra, mahigit 4 milyong ektarya lamang ang lupain sa Pilipinas na tinataniman ng palay kaya malaki ang mababawas kapag natuloy ang farm agreement.
Kailangan aniyang masiguro na may sapat na tataniman ng palay sa bansa lalo na’t tumataas na ang presyo ng bigas sa international market kung saan ang mga mahihirap ang labis na naaapektuhan.
Magugunita na sa privilege speech ni Bukidnon Rep. Teofisto Guingona III kamakalawa, ipinunto nito na walang kasiguraduhan kung ang aanihin ng Chinese businessmen sa rerentahang 1.4 ektaryang lupain ay mapapakinabangan ng mga Filipino. Mas malamang aniya na iuwi ng mga Tsino sa kanilang bansa ang kanilang mga bigas kaya imbes na magkaroon ng food security ang mga Pinoy ay maaagawan pa ng pagkain.
Maliban dito, wala aniyang pakikinabangan ang mga Filipino sa negosyong ito na papasukin ng mga Chinese dahil hindi rin mga Pinoy ang magsasaka sa kanilang mga bukirin.
Ihinalimbawa ni Guingona ang kahalintulad na kasunduang pinasok ng China sa Vietnam kung saan hindi Vietnamese ang nagtatrabaho sa nirentahang bukirin. Sa halip, nagdala ang mga Chinese businessmen ng kanilang sariling kababayan.
|