Sa gitna ng dagdag na pahirap hatid ng dagdag-singil sa kuryente, hiniling ni Rep. Teofisto Guingona III ng Ikalawang Distrito ng Bukidnon ang agaran at malawakang pagpapatupad ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA Law at pagtatakda ng tamang halaga sa pamamagitan ng malaya at patas na kumpetisyon.
“Lahat tayo, mapa-administrasyon man o oposisyon, ay naghahangad na maibaba ang halaga ng kuryente,” ani Guingona. “Sa ngayon, 60% ng ating electric bills ay napupunta sa generation charges. Samakatuwid, kung ibababa ang generation charges ay bababa rin ang kabuuan ng ating bayarin sa kuryente.”
Sinisi rin ni Guingona ang monopolyo ng National Power Corporation (Napocor) sa pag-supply ng kuryente. Aniya pa, alinsunod sa EPIRA Law na isinabatas noon pang 2001, dapat ay nailagay na sa pribadong sektor ang operasyon ng Napocor ngunit pitong taon na ang lumipas ay 25% pa lamang ng Napocor ang naililipat sa pribadong sektor.
“Sadyang napakabagal at napakatagal na proseso ito at ito ngayon ang ugat ng ating mataas na bayarin sa kuryente. Kitang-kita ang mapanupil na pagdodomina ng Napocor na siyang pahirap sa taong bayan,” dagdag pa ni Guingona.
Kaugnay nito, sinuportahan naman ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pagtutulak ni Sen. Juan Ponce Enrile sa pag-amyenda sa EPIRA Law para maibaba ang singil sa kuryente at matigil ang katiwalian sa Napocor.
“I have yet to see Malacañang certifying the bill of SJPE as urgent. Kung sinsero silang ibaba ang rates ng electricity, ako I for one I read the provision on the bill on amendments, it will bring down the rates of electricity,” ani Lacson.
Sa Mayo 12, araw ng Lunes, itinakda nina Sen. Miriam Santiago at Pampanga Cong. Mikey Arroyo ang Joint Congressional Power Commission (Powercom) hearing sa Senado para himayin ang implementasyon ng EPIRA.
|