May 08, 2008 - Thursday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
Malacañang nagmalaki: Kaya namin ang Meralco!
Rose Miranda
 

Tahasang sinabi kahapon ng Malacañang na kaya ng pamahalaan na pangasiwaan ang operasyon sa Manila Electric Company (Meralco).
Gayunpaman, agad itinuwid ni Executive Secretary Eduardo Ermita na hindi ito nangangahulugan na opsyon nila ang government takeover sa nasabing electric company.
“Capability wise, yes. We have, but there is no intention,” ani Ermita.
Kaugnay nito ay binigyan-diin ng “blessing” kahapon ng Palasyo si presidential son at Pampanga Rep. Juan Miguel ‘Mikey’ Arroyo na imbestigahan sa Kamara ang umano’y pang-aabuso ng Meralco sa mga konsyumer nito.
Sinabi ni Ermita na bilang isang mambabatas at chairman pa ng committee on energy sa Kamara ay malaya si Arroyo na pangunahan ang imbestigasyon sa nasabing bagay at wala ring makapagbabawal sa kongresista na konsultahin hinggil dito ang kanyang ina.
Nilinaw naman ni Ermita na sariling diskarte ni Rep. Arroyo ang pag-iimbes­tiga sa Meralco at hindi dikta ng Malacañang.
Pinabulaanan din ni Ermita na gagamitin nilang “front” ang GSIS upang makontrol ang Meralco.
Samantala, may suspetsa naman si Nueva Ecija Rep. Edno Joson na naglalaway sa resources ng Meralco ang mga alipores ni Arroyo na naghahanap ng pagkukunan ng malaking baon bilang preparasyon sa huling dalawang taon ng kasalukuyang administrasyon.
“Mukhang naubos na ang resources sa gobyerno kaya itong Meralco naman ang kanilang pinagtripan. Alam kasi nila na malaki ang pera sa Meralco. Last minute effort iyan para mayroon silang baon bago sila mawala sa power,” pahayag ni Joson.
Ang Meralco ay nasa top 3 corporations sa bansa na nakapagtala ng mahigit P13 bilyong kita sa nagdaang taon at P665 milyon naman simula noong Enero hanggang Disyembre ng taong kasalukuyan.
Tumanggi naman si Joson na tukuyin ang mga alipores ng administrasyon na naglalaway umano sa maaaring kitain sa Meralco kapag nagtagumpay ang mga itong i-takeover ang kumpanya na pag-aari ng mga Lopez. (With Bernard Taguinod)

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES