MATAPOS magbida sa pelikulang Gigil, bida naman si Katrina Halili sa panghapong TV series na Magdusa Ka ng GMA 7.
SA nakita naming trailer ng Magdusa Ka, kaya rin pala ni Katrina ang papel na inaapi at umiiyak.
Isa itong achievement ng aktres na isa sa mga original Starstruck Avengers.
Si Katrina na dalawang taong #1 sa talaan ng pinakaseksi para sa FHM ay nag-isip ng malalim kung kanino niya ipapasa ang korona kapag bumaba na siya sa tronong iyon. Pag-iisipan daw niya itong mabuti pero si Anne Curtis ang nasa isip niya.
Sa mga ehemplong ibinigay ng mga kausap na press -- the likes of Angel Locsin, Cristine Reyes and Iwa Moto -- ay si Anne Curtis ang pumasok sa isip niya.
Natotomboy si Katrina tuwing makikita niya si Anne. Nabibighani ang lola ninyo sa alindog ni Anne.
Sa iringan nila ni Iwa, ang sey ni Katrina ay wala itong katotohanan at okay na okay sila sa set.
Ganu’n din ang sinabi ni Iwa, na nag-e-enjoy sa bagong programa matapos patayin ang karakter niya sa Joaquin Bordado.
***
Si Dennis Trillo na bidang lalaki sa Magdusa Ka ay parang iritang irita sa mga tanong sa knya tungkol sa mga babaeng naiintriga sa kanya.
Ayaw niyang pag-usapan ang kahit sinong babae na nauugnay sa kanya at walang kinalaman sa programa. Siguro, na-trauma si Dennis sa mga intrigang pinagdaanan niya.
Pero dapat maging open na si Dennis lalo na ngayong pumapasok na siya sa mga mature at daring roles.
Sa itsura niya ngayon ay bagay na bagay sa kanya ang role sa Magdusa Ka.
***
Matapos ang lahat ng meetings at preparasyon ng staff at production crew ng Codename: Asero ay nauna nang umalis ang production manager na si Redgie Acuña-Magno papuntang Dubai, UAE bilang advance party sa mga darating na artista roon sa pangunguna nina Richard Gutierrez, Heart Evangelista at Janno Gibbs.
Kahapon umalis sina Richard at ilang crew. Ang iba ay sa midnight flight mamaya.
Nasa 48ºC daw ang temperatura roon nu’ng isang araw at iinit pa ito sa mid-May.
Pipilitin nilang matapos ang taping bago tumaas lalo ang temperatura.
***
Ang kikay na sirena ng Dyesebel ay lalong umaakit hindi lang kay Fredo kundi pati na rin sa napakaraming produkto na gustong kunin siyang endorser.
Hindi lang siya kaakit-akit kundi malakas rin siya sa mga Pinoy hindi lamang dito sa ating bansa kundi pati na rin sa ibang bansa.
May kumuha sa kanya sa ibang bansa para mag-endorso ng kanilang kumpanya.
Ang galing talaga ni Dyesebel (Marian Rivera)!
Napanood namin ang telefantasya nu’ng Lunes nang gabi at maski kami ay kinilig sa mga eksenang yakap-yakap ni Dyesebel ang walang malay na si Fredo (Dingdong Dantes)!
|