PAPAPEL na sirena si Anne Curtis sa fantaseryeng Dyosa.
Ginagaya ba niya ang Dyesebel ni Marian Rivera?
“Well, I think it’s not a matter of ginaya. Pinagbigyan lang siguro ako ng ABS sa dream ko na maging mermaid!” bungad ni Anne nang matsika namin siya kamakalawa sa Viva office sa Tektite Tower, Ortigas. 
“Ever since, di ba, ‘yun ang sinasabi ko, na gusto kong maging sirena? Kaya na-hurt talaga ako nu’ng malaman ko na nasa GMA na ‘yung Dyesebel.
“Kasi, siyempre, I know na as much as I want to do it, I can’t because I’m still with ABS!
“Nu’ng nalaman ko pa nga lang noon na gagawin ‘yung movie ni Cindy Kurleto, hurt na ako, eh! Pero ang sabi naman sa akin ng Viva, masyado raw akong bata.
“So, nu’ng malaman kong teleserye na siya (sa GMA), ‘Ayyyy, wala na talaga kong pag-asa!!!’
“At least, this time sa Dyosa, may chance ako! So kumbaga, kung may comparisons man, I think natural lang ‘yon sa business. Healthy competition naman.
“But siguro, kailangan lang iklaro na ‘yung Dyosa is not just a mermaid. It’s only one of the characters.
“Ang perception yata kasi ng mga tao is me being Dyesebel. It’s not like that,” paglilinaw ni Anne, na masayang-masaya sa box-office success ng first movie niya with Aga Muhlach na When Love Begins (na ayon sa Star Cinema ay naka-P50M sa loob ng limang araw).
***
Dahil gaganap siyang sirena, malamang ang aabangan ng kalalakihan sa Dyosa ay ang pagta-topless niya gaya ni Marian sa Dyesebel…
“No, hindi ako magta-topless. It’s just an illusion of being topless. Kasi, ayaw ni Direk Wenn (Deramas) na nakadikit ‘yung buhok ko sa dibdib ko, eh! So, parang may nakatakip na prosthetics (sa boobs). 
“Tuwang-tuwa ako nu’ng shoot namin ng teaser. Sabi ko kay Direk Wenn, ‘’Nay, eto na, mermaid na ako! Thank you po!’ Pinagbigyan lang talaga nila ako,” nakangiting bulalas ng tisay na young actress.
So, hindi niya kayang mag-topless tulad ni Marian na nipple tape lang ang nakalagay sa dibdib?
“Hindi ko kaya. Ang ginagaya ni Direk Wenn is ‘yung movie na Splash (1984 mermaid movie nina Daryl Hannah at Tom Hanks). So, ‘yung buntot ko, very like Splash, very malambot!
“Damang-dama ko talaga ‘yung role ko, kasi ang tagal kong hinintay na maging mermaid! I’m just so excited na finally, nakasuot na ako ng buntot!”
***
Paslit pa lang si Anne ay swimmer na raw siya. Alam na niya ang ‘fin swimming’ at ‘yung paglangoy na magkadikit ang dalawa niyang paa na parang isda.
“Pero ang hirap, in all fairness! Kaya I have respect for Ms. Claudine (Barretto, gumanap na sirena sa fantaseryeng Marina) and for Marian.
“Kasi, ang hirap talaga na maging sirena. It’s really madugo! Kaya buti na lang, hindi ako forever nakabuntot because it’s really hard!” natatawang sey niya.
Fictional daughter ng Pinoy folklore characters na sina Mariang Sinukuan at Bernardo Carpio ang papel ni Anne sa Dyosa.
Siya ay dyosa ng tubig, lupa at hangin.
Bukod sa sirena, ang dalawa pa niyang mythical characters ay agila (meron siyang malaking pakpak) at centaur (taong kabayo).
“It’s something different. Kasi, it’s Philippine folklore mixed with fiction and fantasy. So, I think, mali rin siguro na it’s gonna be pitted against Dyesebel. Kasi, ‘yung story is very different,” aniya.
Mas magiging exciting kung itatapat ang Dyosa niya sa Dyesebel dahil ibig sabihin ay siya ang panlaban ng Dos kay Marian ng Siyete…
“I think eventually, ‘pag ready na. Kasi, mali rin kung mamadaliin namin para lang masabing may kompetensiya. Kasi, kami rin ‘yung magsa-suffer ‘pag minadali namin ‘yung show!”
Handa na ba siya sa mga pagkukumpara at panlalait?
“Oo naman, ready na ako! Nangyari na ‘yon sa Kampanerang Kuba before, na ang pangit daw, ganyan-ganyan…
“For me, you learn from it. You just take it in. Kasi, criticism is always healthy and comparison inspires you to work harder. So, okey lang ‘yon. Keri lang. Sanay na ako sa mga ganyan!” nakangiting dayalog ng dalaga.
Sina Sam Milby, Luis Manzano at Zanjoe Marudo ang tatlong leading men ni Anne sa Dyosa, na malamang sa Hunyo o Hulyo pa ang airing.