Hinahanting ngayon ang isang pulis matapos ireklamo ng dalawa katao na umano’y nanutok ng baril sa kanila sa loob ng isang videoke bar sa Caloocan City.
Si PO1 Brando Despojo ng District Mobile Force ng Northern Police District ay pinaghahanap ngayon ng mga operatiba ng Caloocan City Police makaraang ireklamo nina Jay Lourino at Dondie Bernaldo, kapwa residente ng nasabing lungsod.
Sa report ng pulisya ay nabatid na alas-9:45 ng gabi, habang umiinom ang mga biktima sa Onyok Videoke bar sa may Dagat-dagatan Avenue kanto ng Tanigue St., nang pumasok umano ang lasing na pulis.
Sa hindi malamang kadahilanan ay basta na lang umano tinutukan ng senglot na pulis ang mga biktima at bago umano ito umalis ay nagpaputok pa ng baril.
Agad naman humingi ng tulong sa mga pulis ang mga biktima subalit nang respondehan ay hindi na inabutan pa si Despojo.
|