Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mala-palaisipang kaganapan sa likod ng pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na batang polio victim na nabungarang palutang-lutang sa isang estero sa Quiapo, Maynila kahapon.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PO2 Alfredo B. Mabutol Jr., na nagtungo umano ang tunay na ama ng biktima at nais na umano nitong kuhanin ang kanyang anak mula sa pangangalaga ng ina nito pero sumagot umano ang nanay ng bata na nawawala umano ito.
Nagtungo pa umano sa barangay ang tunay na ama ng bata upang ipagbigay-alam na nawawala ang kanyang supling.
Labis na ipinagtataka ng mga residente gayundin ng mga police investigator ng MPD-Homicide Section kung paano nasadlak sa estero ang biktima gayung mahigit 100 metro umano ang layo ng tinitirahan ng paslit sa pinaghulugan nitong ilog at kung gagapang man umano ang bata ay mahihirapan itong tunguhing mag-isa ang nasabing lugar.
Bunsod nito, nabahiran ng duda ang nasabing pangyayari kung sadyang itinapon ang paslit at kung paano ito napagawi sa ilog hanggang sa tuluyan marahil umanong malunod.
Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin umano lumulutang sa himpilan ng pulisya ang ina at stepfather ng biktima na silang maaaring magbigay-linaw kaugnay sa insidente.
|