Kamatayan ang naghihintay na kaparusahan sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na masasangkot sa extrajudicial killings.
Ito ang nilalaman ng House Bill No.566 na inaprubahan ng House committee on justice na pinamumunuan ni Quezon City Rep. Matias Defensor bilang tugon sa problema sa extrajudicial killings kung saan ang AFP ang pinagbibintangan.
Sa ilalim ng panukala na ihinain ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson, sinumang miyembro ng AFP at PNP na mapapatunayang sangkot sa pagpatay sa mga aktibista ay mahaharap sa parusang kamatayan.
Maging ang mga pulis na sangkot sa salvaging, hindi lamang sa mga kritiko ng administrasyon, miyembro ng medi kundi mga ordinaryong mamamayan ay kamatayan ang naghihintay na parusa sa kanila.
Ayon kay Joson, napapanahon ang nasabing panukala upang matakot na ang mga “bantay” ng taumbayan na gamitin ang kanilang sandata laban sa kanilang mga binabantayan na hindi sumasang-ayon sa kanilang patakaran.
“Ang batas na ito ay bantay sa mga bantay,” ani Joson matapos aprubahan ng komite ang kanyang panukala at inaasahang isasalang na sa deliberasyon para sa ikalawang pagdinig.
|