|
MINDANAO SENTRO NG VOTE SHAVING TU sumabog sa kaso ni Binay Intriga ang laro ni Pacquiao -- Darlene
|
TOP
STORIES
MINDANAO SENTRO NG VOTE SHAVING Ni Rey Marfil Isang rehiyon sa Mindanao ang magiging sentro ng umano’y pinaplanong ‘vote shaving’ ng Malacañang, sa pamamagitan ng Oplan Mercury Rising, kung saan layuning iakyat sa Magic 12 ang tatlong nangungulelat na senatorial candidates ng Team Unity (TU). Sa report na nakalap ng TONITE, nakasentro sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ang Oplan Mercury Rising, partikular ang Lanao del Sur at Lanao Del Norte na kapwa pinaghaharian ng mga kaalyado ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Isang mapagkakatiwalaang source ang nagkumpirmang gagamitin ng Malacañang ang Oplan Mercury Rising bilang bahagi ng special operations upang maiakyat sa Magic 12 ang tinaguriang "GMA Trio" na sina dating presidential chief of staff Mike Defensor, Cong. Juan Miguel "Migz" Zubiri at Cong. Prospero Pichay. Bahagi ng plano ang pagdadagdag sa boto ng ‘GMA Trio’ at pagbabawas sa boto ng ibang kandidato partikular na ang mga pambato ng Genuine Opposition (GO). Pinaniniwalaang kakasangkapanin ng Malacañang si Lanao Cong. Benasing Macarambon, dating opisyal ng Moro National Liberation Front (MNLF) at kasalukuyang miyembro ng Kabalikat ng Malayang Pilipino (KAMPI) na nagdeklara ng 12-0, pabor sa senatorial bet ng Team Unity. Maging sa Lanao del Norte, pangalan din ng tatlong nabanggit na senatorial bets ng TU ang ipapasok umano sa Top 3 subalit malaking problema ngayon ng ilang operator si Gov. Bobby Dimaporo na pumapalag sa 12-0 scenario ng palasyo. "Hindi kasi mahahalata na sina Pichay at Zubiri ang umokupa sa No. 1 at No. 2 kasi pareho silang taga-Mindanao. Ganito rin ang plano nila sa Lanao del Norte kaya lang medyo may problema sila kay Dimaporo," anang source. Maliban sa ARMM, ilalarga rin ang Oplan Mercury Rising sa Visayas region na pinaghaharian ng mga kaalyado ni Mrs. Arroyo na sina Eastern Samar Gov. Ben Evardone, campaign manager ng TU, at Leyte Gov. Ed Veloso. Sa planong ito, si Defensor umano ang ipupuwesto sa No. 1 spot habang sina Pichay at Zubiri ang ilalagay sa No. 2 at No. 3 spot, ayon sa pagkakasunod. "Pati Pampanga, kasama sa operasyon. Si Mike iyong ilalagay sa No. 1, kasunod si Zubiri at pangatlo si Pichay. Hindi lang natin alam kung paano nila gagawin iyon kasi malapit sa Metro Manila," anang source. Nakaraang Mayo 5, nagsimula nang gumalaw sa Mindanao ang mga operators na inarkila ng administrasyon kung saan kinumpirma nitong nagkaroon ng pagpupulong sa Iligan City ang grupo para plantsahin ang plano.
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||||
|
|