MAY 06, 2011 FRIDAY
Become a fan on facebook
Follow us on twitter
For your e-paper registration & subscription just click on the image below

Exchange Rate
May 05, 2011
As of 2:30 pm
U. States 42.9300
Bahrain Dinar 113.871
Euro 63.8041
HK Dollar 5.52362
Japan Yen 0.533419
Saudi Riyal 11.4471
S’pore Dollar 34.8923
Taiwan Dollar 1.50152
UAE Dirham 11.6877
UK Pound 70.9149
Selos: Lason sa relasyon
KUYA ROM


Dear Kuya Rom,

Call me Brenda, hindi ko tunay na pangalan. Sa tingin ng ibang tao, ang buhay naming mag-asawa ay maayos. Pero ang totoo, hindi. Sabi ng mister ko, ako raw ang may problema, masyado akong selosa at maparatang.

Alam kong ang mister ko ay may ibang babae. Gabi-gabi, alas-10:00 na siya kung umuwi. Ang dahilan niya’y ang bagong trabaho niya na kailangan niyang pagbutihin. Kung totoong nagtatrabaho lang siya, bakit hindi niya laging sinasagot ang tawag ko sa kanyang cellphone at hindi niya madalas na sinasabi sa akin ang “I love you” na tulad ng dati?

Kinumpronta ko siya tungkol dito. Siyempre hindi niya aaminin.

Sinigawan niya ako at sabi niyang nababaliw raw ako, wala siyang kabit, nagtatrabaho lang siya, ang ginagawa niya ay para sa akin at sa dalawa naming anak. Pero ang pagsigaw niya sa akin at bihirang pakikipagseks niya sa akin ay para sa akin patunay na nanga­ngaliwa siya.

Sabi ng mister ko, huwag ko raw siyang itulad sa tatay ko na babaero.

Huwag ko raw siyang itulad sa lalaking naging boyfriend ko na may asawa na nang magkaroon kami ng relasyon. Pero para sa akin, lalaki siya at pare-pareho lang lahat ang mga lalaki, kuma­kaliwa kung may pagkakataon.

Kuya, laging sira ang araw ko. Para akong mababaliw, parang mamamatay ako sa kakaisip sa pangangaliwa ng mister ko. Ayaw ko ng ganito. Parang wala nang pag-asang maibalik pa ang dating mabuti naming pagsasama.

Puwede bang pa-advice? Thank you so much po! -- Brenda

Dear Brenda,

Sa kuwento mo, walang matibay na ebidensiya na magpapatunay na ang mister mo ay nangangaliwa. Kung walang matibay na ebidensiya, malaki ang posibilidad na hindi totoo ang iyong hinala at ikaw ay naniniwala sa isang kasinungalingan.

Kung magpapatuloy kang maniniwala at mamumuhay sa isang bagay na hindi totoo, posibleng magsanhi ito ng kamatayan ng inyong relasyon na mag-asawa.

Ang selos ay isang nakamamatay na lason sa magandang pagsasama ng mag-asawa. Kung dahil sa sobrang selos ay patay ang katotohanan, ikaw ay nabubuhay sa kasinungalingan.

Ano ba ang totoo sa inyong buhay na mag-asawa? 

Pagtuunan mo ng pansin ang bawat anggulo ng inyong buhay na mag-asawa nang magsimulang magkaroon ng bagong trabaho ang iyong mister na nangangailangan ng dagdag na oras upang siya ay makapag­lingkod nang maayos at lubos sa kanyang kumpanya at maging matatag ang kanyang pinagkakakitaan, dito ka rin nagsimulang magselos. Kapag hindi siya nakasasagot sa kanyang cellphone, ang iniisip mo agad ay may kausap siyang ibang babae.

Sa halip na mag-isip ka ng ganito, isipin mong nakikipag-usap ang mister ko sa isang kliyente o sa kanyang boss at ginagawa niya ito upang matugunan ang pangangalingan ng inyong buong pa­milya.

Isipin mo na nagsisikap ang iyong mister na matugunan ang lahat ng pangangailangan sa bahay. Hindi lamang ikaw ang may pangangailangan.

May pangangailangan din ang iyong mga anak.

Kung ito ang tunay na pangyayari, maliwanag na hindi nanga­ngaliwa ang iyong mister.

Nagtatrabaho lamang siya, at isang dagdag na pabigat sa kanya ang iyong pagseselos. Kaya’t sa halip na ma­ging pabigat ka sa kanya pag-uwi niya ng bahay, mabuting mag-isip ka ng positibo at aliwin mo ang iyong mister upang gumaan ang kabigatang dinadala niya.

Sa Biblia, ang kalooban ng Diyos bilang pangunahing tungkulin ni misis ay suportahan ang kanyang mister at nagagawa lamang niya ito kung tunay na umiibig siya sa kanyang kabiyak at tunay na sumusunod siya sa kalooban ng Diyos sa kanyang buhay bilang babae. Gagawin niya ito bilang pagbibigay papuri sa Diyos.

Kapag selos ang iiral sa iyong buhay, hindi mo magagawang suportahan ang mister mo, at dahil dito hindi mo nagagawa ang kalooban ng Diyos sa iyong buhay.

Ang buhay mo ay hindi kapuri-puri sa Diyos. Wika ni Jesus, “Ang katotohanan ang pagpapalaya sa iyo.” Magiging malaya ka mula sa pagkabilanggo sa piitan ng kasinungalingan.

Tanggapin mo ang katotohanan bilang isang gamot na magbibigay ng kalusugan sa inyong relasyon na mag-asawa.

Kung minsan, may dalang pait ang katotohanan, subalit ito ay makabubuti sa kalusugan.

Sa pamamagitan ng mga katotohanang nailahad sa iyo ngayon, dalangin kong maging pundasyon ito ng mas matatag ng relasyon ninyong mag-asawa. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom

 

 
HOME TOP
Copyright © 2011 MONICA PUBLISHING CORPORATION
ALL RIGHTS RESERVED

designed & developed by: MIS SECTION