|
|
ENTERTAINMENT
Grand showdown ng 'Pinoy Pop Superstar year 2' Sino
kaya sa pitong grand contenders ang tatanghaling kampeon ng Pinoy Pop
Superstar Year 2 ngayong gabi sa Araneta Coliseum. Bibirit sina Harry Santos, Gerald Santos, Aicelle Santos, Irra Cenina, Denver Regencia, Elise Estrada at Rosemarie para maiuwi ang grand prizes na isang Futura Classic house and lot mula sa Filinvest, isang brand new Chevrolet Optra, isang exclusive one-year management contract sa GMA Artist Center at one-year exclusive recording contract sa GMA Records, P1M cash, P300,000 worth of services mula kay Dr. Vicky Belo, P300,000 worth of services mula kay Ricky Reyes, at P100,000 worth of clothes mula kina Pepsi Herrera at Edwin Tan. Ang pitong grand contenders ay huhusgahan base sa kanilang performance sa Nationwide Roadshows (10%), Pinoy Pop Superstar Grand Contenders’ Album (10%), text votes (10%) at performance sa Grand Showdown (70%). Makakasama ng original panel of judges (Danny Tan, Floy Quintos at Jaya) sina GMA Network Senior Vice President Wilma V. Galvante at Executive Vice President/ Chief Operations Officer Felipe S. Yalong sa paghuhusga. Maglalaban-laban ang grand contenders hanggang makarating sila sa face-off round. Ang Pinoy Pop Superstar Year 2 ay hino-host ni Regine Velasquez, at ang Grand Showdown nito ay ite-telecast bukas (Linggo) nang gabi pagkatapos ng Daddy Di Do Du sa GMA-7. *** Halos pitong milyong Pilipino na edad 15-29 ang lulong sa droga. 70% sa kanila, shabu ang gamit — shabu na nakatutuyot ng utak, nakasisira ng isip at nakawawasak ng katawan. Marami sa kanila ang babagsak sa mental hospital, o kaya’y masasama sa 20,000 katao na nakakulong na dahil sa droga. Si Mario, 13 anyos. Nagsimula sa marijuana, sadsad na ngayon as shabu. Ganoon din ang kanyang barkadang si Vincent, 13 anyos din. May mga pamilyang sama-sama sa pagdodroga. Ang lolang si Conchita, 62, gumagamit pa ng shabu. Tatlo sa pito niyang anak ay ganoon din. Ang apong si Onyok, 14, graduate na sa rugby at nagsimula na sa shabu. Nagbebenta ng gamit sa pagsa-shabu si lola Conchita. Ang mag-amang Tisoy at Marvin (16 y/o), magka-jamming sa pagbatak ng shabu. Kung minsan, kasama pa nila sa pagbatak ang dalawang mas batang kapatid ni Marvin. Nagbebenta ng shabu si Tisoy sa kanilang barangay. Malaking negosyo ang shabu. Mula noong Enero lang, P7.1B na ang halaga ng shabu na nakukumpiska ng PDEA. Nauuso na rin ang mga restawran na shabu pala ang isinisilbi. Hindi kaya ng gobyernong tugunan ang problema. Ang mga mahihirap na komunidad ang nagiging sentro ng bilihan. Mahirap pasukin at madaling itago ang anumang iligal na gawain sa ganitong lugar. Ito ang dahilan kaya 51% ng nagsa-shabu, makikita raw sa Metro Manila. Iilan ang rehabilitation centers ng gobyerno. Ang mga pribadong rehab centers, P40,000 ang pinakamababang singil. May solusyon pa ba ang problema natin sa droga? Samahan si Mike Enriquez sa pagsisiyasat sa problemang ito sa ‘Batak: Kuwentong Adik’ ng Imbestigador mamayang 9:00 PM sa GMA 7. *** ‘Beautiful Faces’ ang magkakalaban sa All Star ‘K’ bukas nang gabi sa GMA 7. Pasiklaban sa videoke challenge sina Evangeline Pascual, Ina Raymundo, Yasmien Kurdi, Isabel Granada, Jackie Rice, Megan Young at Alessandra de Rossi. Sa palagay ninyo, kaninong ganda ang magwawagi? *** Nagsimula na ang screening ng MP Little Princess 2006 sa Marketplace Shopping Mall, Kalentong St., Mandaluyong City. Ang paligsahan ay bukas sa lahat ng batang babae, 4-8 y/o, maganda at may talento. Ang Weekly Finals ay gaganapin sa Mayo 13, 20, at 27 nang 3:00 PM sa Multi-Purpose Hall, 5th Floor ng Marketplace Shopping Mall. Ang Grand Finals ay gaganapin sa Hunyo 3, 2006. Para sa mga gustong sumali, ang registration ay hanggang Mayo 25, mula Lunes hanggang Biyernes, 1:00-6:00 PM sa Kirby Exhibits Office, 4th Upper Floor ng naturang mall, katabi ng Picture! Picture! Magdala ng original at Xerox copies ng birth certificate ng bata. Para sa karagdagang kaalaman, tumawag sa tel.# 533-44-67 at hanapin si Kuya Willie Parlan na host ng timpalak.
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|