May 04, 2008 - Sunday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
SPORTS NEWS


Eksena sa Intramuros
Al Mendoza
 

Nag-golf ako noong Miyerkules sa Intramuros at meron na naman akong natutunan.

Natuto akong konti sa golf kasi ang larong ito, palagi kang may napupulot na leksyon.

Pero sa araw na ito, may natutunan ako tungkol sa buhay mismo.

Nagpunta muna ako sa locker room ng Intramuros Golf Club bago mag-umpisa ang SPMJ Golf Invitational Cup. Normal na gawain ito ng golfer bago siya mag-tee-off -- ang bumisita sa locker room para i-deposit ang carry-all bag na naglalaman ng pambihis na damit pagkatapos mag-golf.

Bago ako lumabas, nakakuwentuhan ko ang manedyer ng locker room.
“Matagal na rin kayong hindi nakapaglaro dito sa amin,” ani manedyer.
“Oo nga,” wika ko. “Nami-miss ko na rin ang Intramuros. Makasaysa­yan ang golf course na ito at...”

Hindi ko natapos ang aking sasabihin sapagkat may sumigaw: “Al Mendoza! Al Mendoza!”

Galing iyon sa loob ng massage room. “Si Mr. Al Mendoza iyan, hindi ba?”
“Oo,” ani manedyer.

“Sino iyon?” tanong ko.

“Ah, Sir, siya iyong ating masahista,” ani manedyer.
Maya-maya, lumabas ang masahista.

“Sir Al, matagal ko na kayong gustong makamayan,” ani masahista. “Idol ko po kayo.”

“Naku! Maraming salamat ho.”

Matapos kaming magkamayan, siya’y nagwika: “Sa wakas, nakamayan ko rin kayo. Napakala­king karangalan ito para sa akin.”

“Ang karangalan po ay sa akin lalo na.”

Hindi ko na siya maawat.

“Masugid po ninyo akong tagapakinig ng iyong radio coverage ng PBA games,” aniya. “Bakit po hindi ko na po naririnig ang inyong tinig sa PBA games?”
“Ayaw na po nila sa akin,” mapagpakumbaba kong sagot.

Nahirapan din akong hugutin ang mga katagang iyan.
“Napaka-humble po ninyo,” aniya. “Isa po kayong alamat.”

“Naku, hindi ho,” sagot ko. “Isa lamang ho akong hamak na magra-radyo sa PBA games noong araw.”

“Sana bumalik na kayo sa radio PBA,” aniya.

“Salamat ho,” sagot ko. “Hayaan ninyo, baka maimbita uli ako sa mga darating na araw. Nasa isip ko ho ang wish ninyo.”

Nagpaalam siya.

“Alam ba ninyo na may kapansanan siya?” ani manedyer, sabay nguso sa masahista.

“Hindi.”

“Siya po’y bulag.”

 


Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES