‘Di mababangko si Jason Castro sa magtatatlong taon nang Singapore Slingers sa pagsabak bilang unang Pinoy na maglalaro sa kinikilalang panlimang astig na propesyunal na liga sa mundo -- ang National Basketball League ng Australia -- sa darating na 31st o 2008-09 season nito umpisa sa Setyembre.
“We can look for someone who can run the show, run the floor. I see last night players in the PBA (Philippine Basketball Association) and Jason (Castro) is the one fits to our team so I assured he’s not a token, he can play basketbal with us,” bigkas ni Slingers managing director Bob Turner sa impromptu press conference kahapon ng tanghali sa Kamayan-EDSA.
Ayon sa NBL coach Hall of Famer, isang magandang pangyayari ang pagkakapirma kamakalawa ng 21-anyos, 5-foot-9 guard ng Harbour Centre at reigning two-time Phil. Basketball League Most Valuable Player para sa Singapore at sa ‘Pinas lalo’t malamang maging daan ito para sa iba pang Pinoy na makapaglaro sa naturang liga.
“Nagpapasalamat ako sa PBL, Harbour Centre at sa Singapore Slingers sa pagkakataong ibinigay nila sa akin. Makakaasa silang ibibigay ko palagi ang 100% percent ko sa mga laro,” bulalas naman nang malumanay magsalitang si Castro.
Dumalo rin sa okasyon sina Slingers basketball operations manager Michael Johnson, PBL commissioner Chino Trinidad, HC team manager Eric Arejola na kumatawan kay team owner Mikee Romero na nasa San Francisco, California para sa isang business trip, Singapore-based Filipino investment banker Paul Monozca at ang agent ng player na si Danny Espiritu.
Walang isiniwalat na eksaktong pigura sa kontrata bagama’t binanggit ni Espiritu, na iyon ay pitong buwan magmula Setyembre 2008 hanggang Marso 2009 kung saan may monthly basic paycheck ang kanyang player na ‘di bababa sa Australian dollar $40,000 at ‘di lalampas sa 60,000 na tax-free.
Inihayag naman ni Trinidad na ang pagkuha ng NBL team sa produkto ng Phil. Christian University Blue Dolphins ang malamang maging hudyat upang makapasok ang Pinoy cager sa international basketball market, lalo na sa pinapangarap na National basketball Association ng Tate.
|