WASHINGTON (AP) --- Kay LeBron James ang huling kataga.
Sa National Basketball Association playoff series na tigib ng maanghang na balitaktakan, matitigas na fouls, 13 technical, isang ejection, 1 suspension at marami pang iba, naroon si James na sangkot lagi sa Game Six. At sa naging personal na laban, binalikat niya ang Cleveland Cavaliers upang mahakbangan ang Washington Wizards.
Nagsalansan si James ng 27 points, 13 rebounds at 13 assists para sa pangatlo niyang kabit na career playoffs triple-double, lahat ay habang sinasawata rin niya si Caron Butler sa pagdedepensa at tigpasin ng Cavaliers ang Wizards, 105-88, noong Biyernes ng gabi sa pagsara ng makontrobersiyang serye.
“Cleveland is advancing. We won the series 4-2. That speaks louder than me saying anything about the fans here, anything about DeShawn Stevenson,” bulalas ni James patumbok sa Wizards guard na tinawag siyang overrated. “Cleveland is advancing. That’s all that matters.”
Pangatlong dikit sa postseason na pinasibat ng Cavs ang Wizards sa first round -- tinatapos palagi ang serye sa teritoryo ng karibal.
Sa Salt Lake City, sasalang ang Utah Jazz sa labas ng tahanan sa Linggo, subalit ‘di sa Houston.
Pinasabog ng Jazz ang Rockets, 113-91, sa gabi ring iyon para mapagwagian ang serye sa 4-2 at makaiwas maglaro pa sa Game 7 sa road. Nagawa na ito ng Jazz noong isang taon kontra Rockets at ayaw nilang subukang muli ang kapalaran sa Texas.
Sinigurado na nila iyon sa third quarter pa lamang. Pumukol si Deron Williams ng 13 sa kanyang 25 points sa period, nagsalpak ng tatlo sa apat na bitaw sa 3-pointers nang sapawan ng Jazz ang Rockets, 27-11.
Pangalawang pagkakataon ito para sa Utah na mahablot ang serye at mas naging maigi pa kaysa sa unang senaryo. Nakaiwas sa eliminasyon ang Rockets via 95-69 win noong Martes kaya’t bumuwelta sila sa kanilang bahay na dismayado at may determinasyon.
“Our guys got ready to play them here after they beat us pretty good down at their place,” komento naman ni Utah coach Jerry Sloan. Bibiyahe ang Jazz sa Los Angeles para sa Game 1 sa Lakers sa Linggo.