Hindi na ako nagulat nang marinig ko ang pananabon daw ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Mayor Paulino Emano ng Tagoloan, Misamis Oriental, matapos niyang isumbong ang bribe attempt sa kanya ng Hanjin na magtatayo ng shipyard sa kanyang munisipalidad na walang mga kaukulang papeles.
Imbes na mabahala si Mrs. Arroyo sa kanyang narinig, nanabon pa, kaya masisisi ba n’yo ang mga tao na magduda na alam ng Pangulo ang lagayan sa ZTE-NBN deal?
Tanging ang mga kapanalig, ang mga loyal allies ni Arroyo na lamang ang siguradong hindi naniniwala na may nangyayaring kabulastugan sa gobyernong ito.
Sarado na ang kanilang mata, sarado na ang kanilang tenga, tinakpan pa ang bibig. Madapa sana ang mga tiwali sa gobyerno? Ang tanong tuloy ng mga kapitbahay kong kulot at kalbo, uso na ba talaga ang lagayan sa Malacañang?
Marami na tayong naririnig na anomalya, pero hindi kumikilos ang Malacañang para itama ang mali. Hindi ko alam kung papaano pa nakakatulog ng mahimbing ang mga mokong na ito.
Sabagay, dahil siguro sa mga anomalya sa gobyerno, nagkaroon ng pagkakataon ang ilang tauhan ni Arroyo na gumanda ang buhay. Mantakin n’yo, ‘yung mga hindi naglalagi sa mga 5-star night club kung saan open na open ang prostitution noong wala pa sila sa poder dahil mahal na bisyo ito ay nagagawa na nila ngayon?
Hindi kaya nangyari na ang mga ganitong lagayan sa ilang local officials na mayroong mga kuwestiyonableng proyekto sa kanilang lugar ay nanahimik na lang sa takot na masabon?
***
Wala akong makuhang impormasyon sa mga tauhan ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando kung ano ang reaksyon niya sa edukasyon na nakuha niya kay Parañaque Rep. Roilo Golez hinggil sa kulay.
Wala kasing pakialam si Mang Bayani sa mga puna na ibinabato sa kanya. Ang kanya ay kanya. Tama lahat para sa kanya kahit marami ang nadidisgrasya sa kanyang mga proyekto.
Mayroon bang pakialam si Mang Bayani sa mga motoristang nadisgrasya sa mapanganib niyang mga U-turn slot? Wala! May sumusunod ba sa mga bus na naglalayag sa EDSA sa mga istrakturang itinayo niya sa gitna ng kalye para pagsakyan at pagbabaan ng mga damuhong bus drivers? Wala!
Imbes na sagutin ang isyu, aba, nakipaglaban pa sa kulay si Mang Bayani kaya ano ang napala mo? Eh ‘di nabigyan pa ngayon ng edukasyon hinggil sa mga kulay!
Nagtataka lang ako ha, bakit ba kasi paborito ni Mang Bayani ang pink? Alam n’yo ba ang ang buong Marikina ay color pink na? Pati ang mga police mobile, pink na rin daw.
Kulang na lang ay pagsuotin ng color pink ang mga pulis. Naku, huwag naman sana kasi tulad ng sabi ni Congressman Golez, hindi pink ang kulay ng bravery, loyalty at warrior.
Ini-imagine ko nga kung ano ang hitsura ng mga basketball player na pink ang uniporme. Hindi kaya malalantik ang kanilang mga daliri? Imagine-in n’yo nga.