Wala nang tigil ang pagbuntot ng kontrobersiya sa liderato ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Pagkatapos ng broadband deal na nagresulta sa pag-back off ng Malacañang sa pinasok na kontrata sa ZTE firm ng China sa larangan ng komunikasyon, heto na naman ang multi-bilyong shipyard project ng South Korean firm na Hanjin sa Misamis Oriental.
Sumigaw ng foul si Mayor Paulino Emano nang tangkain daw siyang suhulan ng P400 million para sa pagpapatuloy ng proyekto na walang kumpletong papeles. Kasunod nito, si Emano naman ang iimbestigahan dahil nangingikil daw ito.
Suhulan na naman ang pinag-uusapan dito. Kung si Emano ay inalok daw ng P400 million suhol, sabi ni Sen. Panfilo Lacson, magkano naman ang inalok na suhol sa Malacañang?
Nangangamoy imbestigasyon ang shipyard project sa Misamis Oriental, mahabang imbestigasyon tulad ng ZTE deal.
Nangingikil nga ba si Emano o sinusuhulan ito? Sa mga multi-bilyong project, nangingikil ba ang lokal na opisyal o sila ang sinusuhulan para walang kumontra sa proyekto, lalo na kung hindi kumpleto ang papeles nito.
Kung may kabado ngayon, tiyak hindi ligtas ang mga opisyal ng Malacañang. Aba’y $2 billion ang proyekto. Pag may nag-back off dito, disgrasya ang negosasyon.
May problema ang Hanjin ng South Korea. Hindi pa tapos ang isyu laban dito dahil sa ipinatayong high-rise condominium sa pusod ng kagubatan sa Subic.
Unang napaulat na hindi rin kumpleto ang mga permit ng Hanjin para sa proyekto. Mayroon na ring mga nadisgrasyang manggagawa doon at ang huling balita, wala naman daw talagang problema ang Hanjin. Ang katotohanan dito ay maririnig sa gagawing imbestigasyon ng Senate committee on environment and natural resources sa mga susunod na araw lalo na’t inimbitahan na ang mga opisyales ng Hanjin.
‘Yun nga lang, hindi pa nauumpisahan ang imbestigasyon, may isyu na naman sa Misamis Oriental ang Hanjin na dapat liwanagin.
Depende kay Mayor Emano kung papaano niya bibigyan ng bigat ang kanyang alegasyon.