Nagpalabas ng direktiba si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Department of Agriculture (DA) na gawing abot-kaya ang NFA rice sa mga retail outlets sa Metro Manila na magbebenta ng bigas ng gobyerno sa halagang P18.25 at P25 kada kilo sa inisyal na 400,000 benepisyaryong pamilya.
“These families need our help in order to cope with the high cost of our basic staple,” direktiba ng Pangulo sa DA. “I want the DA to ensure that they have access to affordable rice from NFA.”
Hanggang sa kasalukuyan, ang Department of Agriculture ay nagpaplanong magpakalat ng mas mataas pa sa 2,500 retail outlets sa Metro Manila sa susunod na buwan upang mamahala sa distribusyon at pagbebenta ng NFA rice, ayon kay Agriculture Sec. Arthur Yap.
Sa ulat kay Pangulong Arroyo at sa gabinete nito, ibinunyag ni Yap na ang NFA ay nagpaplanong mag-operate ng 400 rolling stores sa Metro Manila; 146 Tindahan sa Parokya na pangangasiwaan ng sektor ng simbahan at 1,390 Tindahan Natin outlets.
Bilang dagdag dito, ayon sa DA, ay mayroong 324 Bigasan Ni Gloria sa Palengke na pinamamahalaan ng NFA; 242 outlets na nasa pangangasiwa ng local government units (LGUs) at siyam na NFA stationary stalls na kaagapay sa distribusyon at pagbebenta ng bigas sa mahihirap.
“This DA project forms part of its aggressive procurement and aggressive distribution strategy to stabilize rice prices that targets the poorest of the poor as the main beneficiaries of affordably priced NFA rice,” ayon pa kay Yap.
Mula sa 1,125 outlets, sinabi ni Yap na magdadagdag sila ng 1,386 stores at selling points sa Metro Manila para magbenta ng murang bigas ng NFA at masiguro ang abot-kayang presyo ng bigas na makakarating sa mahihirap na sektor.
Ang NFA ay magbebenta rin ng mas mataas na kalidad ng bigas sa halagang P25 bawat kilo upang mapuwersa ang pagbaba ng commercial rice sa merkado at matulungan ang middle-income earners na makayanan ang pagtaas ng presyo ng bilihin.
|