Hindi sineseryo ng mga kritiko ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang sinimulan nitong laban sa Manila Electric Company (Meralco) upang maibaba ang presyo ng kuryente.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño, wala silang nararamdamang kaseryosohan sa panig ni Arroyo nang iutos na labanan ang Meralco na kasalukuyang pinatatakbo ng mga Lopez.
Kamakalawa ay hiningi ni Arroyo ang tulong ng mga negosyante na makiisa sa gagawing laban ng gobyerno kontra Meralco upang masiguro umanong bumaba ang presyo ng kuryente.
Subalit ayon kay Casiño, isa lamang uri ng palabas ito dahil sa simula’t simula pa lamang aniya ay nakikinabang ang gobyerno sa tuwing nagtataas ng presyo ng kuryente ang Meralco.
Matagal nang inirerekomenda ng militanteng grupo na bawiin na ang Meralco sa mga Lopezes subalit hindi ito ginagawa ng gobyerno.
Ang hakbang na ito ng gobyerno ay ipinapalagay na bunsod ng petisyon ng Meralco sa Energy Regulation Commission (ERC) na singilin sa mga consumers ang P14.3 bilyon na pagkakautang sa Napocor.
|