Wala pang dapat ipagdiwang ang Malacañang dahil hindi pa libre si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa kontrobersiyal na ZTE-National Broadband Network (NBN) deal.
Ito ang nilinaw kahapon ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate blue ribbon committee, dahil tanging ang direct testimony lamang umano ang kulang sa kanilang imbestigasyon para madiin si Arroyo sa naturang anomalya.
“Walang direct testimony dahil tumanggi na si Secretary (Romulo) Neri na magsalita but all the evidence was leading all the way to the Office of the President,” pahayag ni Cayetano.
Ginawa ni Cayetano ang naturang pahayag bilang pagtutuwid aniya sa mga naunang ulat na inaabsuwelto na ng Senado si Arroyo sa naturang anomalya.
Kapag pinayagan umano ng Korte Suprema na magsalita si Neri sa Senado ay posibleng magkaroon na sila ng “direct testimony” na nagsasangkot kay Arroyo sa broadband scandal.
|