Posibleng dumating ang araw na mamulubi ang Pilipinas at magmakaawa ang mga Filipino para lamang makabili ng murang bigas mula sa mga bansang nagbabalak na magtayo ng rice cartel sa Southeast Asia kapag hindi kumilos ang gobyerno para malunasan ang kinakaharap na suliranin sa industriya ng bigas.
Ito ang ipinahayag ng mga mambabatas na nagkakaisang dapat paunlarin ang sektor ng agrikultura sa bansa para magkaroon ng self-sufficiency sa pagkain ang Pilipinas.
Ayon kay Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, kapag binalewala ng gobyerno ang pagpapaunlad sa rice industry, malamang na darating ang araw na “magmamakaawa” ang mga Filipino para lamang makabili ng murang bigas sa mga bansang nagpaplanong magtayo ng Organization of Rice Exporting Countries (OREC).
Malaking pasanin din umano ito, hindi lamang sa mga karaniwang tao kundi sa gobyerno sa kabuuan kapag naging triple ang presyo ng bigas sa sandaling maitatag ang OREC.
“Kaya dapat tayong maging self-sufficient. Kaya naman natin kung tutuusin. Nagpabaya lang tayo,” pahayag ni Angara.
Kaugnay nito, inirekomenda ng kongresista na silipin ang estratehiya ng Masagana 99 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na naging daan para maging exporter ang Pilipinas ng bigas noong huling bahagi ng dekada 60 hanggang sa unang bahagi ng dekada 70.
Samantala, inirekomenda nina Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero at Parañaque Rep. Roilo Golez na kailangang kumilos agad ang Pilipinas para mabuwag bago pa man maituloy ang pagtatag ng mga rice-producing countries ng organisasyon na magdudulot ng rice cartel sa mundo.
Inirekomenda ito ng dalawang mambabatas dahil lumalabas umano na ang Thailand lamang ang may ideya na magtatag ng OREC dahil sa paglaki ng demand ng Pilipinas.
Ayon kay Golez, kailangang paganahin ng Pilipinas ang kanyang diplomatic core para kausapin agad ang Cambodia, Laos, Vietnam, Myanmar upang huwag nang sumali sa OREC. “Kausapin agad sila para huwag sumama sa OREC,” ani Golez.
“We should also move to protect our interest by exploring bilateral agreements with them,” ayon naman kay Escudero.